SA gitna ng kawalan ng katiyakan sa nakanselang planong pagpupulong sa darating na Hunyo 12 sa pagitan nina United State President Donald Trump at ni North Korean Leader Kim Jong-Un, nananatili ang pag-asa na matutuloy pa rin ito matapos maglabas ang magkabilang panig ng pampalubag-loob na pahayag.
Hindi kailanman nakilala si Trump sa mabuti nitong pagsasalita sa ibang mga tao, ngunit nang ianunsyo nito ang desisyong ikansela ang nakatakda nang pag-uusap sa Singapore, sinabi niya kay Kim na: “I felt a wonderful dialogue was building up between you and me, and ultimately, it is only that dialogue that matters.” Dagdag pa niya: “The world and North Korea in particular has lost a great opportunity for lasting peace and great prosperity and wealth. This missed the opportunity is truly a sad moment in history.”
Kasunod nito ay sinabi niya: “If you change your mind having to do with this most important summit, please do not hesitate to call me or write.”
Kilala si Pangulong Trump sa kanyang malulupit at sarkastikong tweet laban sa kanyang mga kaaway at mga kritiko. May pagkakataong, binantaan niya ng “fire and fury” si Kim, na minaliit pa niya bilang isang “little rocket man” sa kanyang talumpati sa United Nations. Ngayo’y tila nag-iba ang personalidad ni Trump, na inanyayahan pang tumawag o sumulat sa kanya si Kim kung nais pa rin nitong makipagkita sa Singapore.
Ang reaksiyon ng North Korea sa kanselasyon ni Trump sa nakatakdang pag-uusap ay tila isa ring pampalubag-loob. Sinabi ni First Vice Foreign Minister Kim Kye Gwan na “regrettable” ang desisyon ni Trump, ngunit ang mga opisyal ng North Korea, sinabi nito, na handang silang “sit face-to-face at any time.”
Nagsalita para sa buong mundo si United Nations Secretary General Antonio Guterrez nang hikayatin nito ang magkabilang panig na ipagpatuloy ang usapin para sa kapayapaan. Ipinunto niya na sa ngayon tinatayang 15,000 armas nukleyar ang nananatili sa mundo, kasama ang daan-daang “ready to be launched within minutes.” Isang mekanikal, elektroniko o dulot ng tao na pagkakamali ay maaaring magdulot ng matinding sakuna na kayang burahin ang isang bayan, aniya.
Matapos ang anunsiyo ni Pangulong Trump nitong nakaraang Huwebes ng kanyang kanselasyon sa pag-uusap sa Hunyo 12, nagmadaling tumawag sa Washington si South Korean President Moon Jae-In upang maisalba ang summit. Tila nagbunga naman ang kanyang pagsisikap dahil nang sumunod na araw, sinabi ni Trump na maaari pa ring matuloy ang pagpupulong.
Sa isang digmaang nukleyar, lubos na magdurusa ang buong Korean Peninsula, ngunit sa 15,000 nuclear missiles na patuloy na umiiral sa buong mundo, karamihan sa US at sa Russia, ngunit mayroon din sa ibang mga bansa, walang lugar sa mundo ang tunay na ligtas.
Kaya naman malugod nating tinatanggap ang bagong mga kaganapan sa pagsusulong ng kapayapaan sa Korea— ang mga pampalubag-loob na mga salita ni Pangulong Trump at ang sariling pagpipigil ng North Korea. Ang kanyang unang pakikipagpulong kay Kim Jong Unsa Hunyo 12 sa Singapore ay maaaring hindi agad humantong sa isang kasunduan, ngunit magiging isang makasaysayang hakbang ito para sa kapayapaan ng mundo.