Ipinag-utos ng Food and Drugs Administration (FDA) ang pagsusuri sa mga energy drinks sa bansa, kasunod ng pagkakasuspinde sa basketball player na si Kiefer Ravena, matapos umanong gumamit ng ipinagbabawal na substance.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, magandang pagkakataon ito para sa ahensiya upang muling suriin ang laman at label ng nasabing produkto.
Matatandaang nitong Lunes ng gabi ay kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pinatawan ng International Basketball Federation (FIBA) ng 18-buwang suspensiyon si Ravena, 24, matapos na magpositibo sa banned substances, na nasa World Anti-Doping Agency list.
Bumagsak umano si Ravena sa drug test noong Pebrero 25, 2018, kasunod ng laro ng Gilas Pilipinas laban sa Japan sa Mall of Asia Arena.
Sinasabing uminom si Ravena ng pre-workout supplement na tinatawag na “Dust Extreme.”
“I will immediately direct a thorough review of these products to protect the health- and fitness-conscious public,” saad sa pahayag ni Puno kahapon.
-Mary Ann Santiago