Sinadya?
Ito ang palaisipan sa awtoridad sa naganap na sunog sa Plaza Cervantes, sa Binondo, Maynila kamakalawa.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Manila Arson chief, Chief Senior Insp. Reden Alumno, hindi nila inaalis ang posibilidad na sinadya ang sunog.
Aniya, Lunes ng hatinggabi sumi k lab ang apoy at t i la sinamantalang aapat lamang ang guwardiyang naka-duty sa naturang gusali.
Duda rin umano si Alumno sa mabilis na pagkalat ng apoy mula sa ikapitong palapag ng gusali patungo sa mga ibabang palapag.
Paliwanag ni Alumno, gawa sa kongkreto ang gusali at walang mga kahoy kaya imposibleng mabilis itong kumalat patungo sa mga mas mababang palapag.
Tumagal ng 22 oras ang sunog bago tuluyang naapula, ngunit hindi pa rin tukoy ang sanhi nito, ayon kay BFP spokesperson Supt. Joan Villajo.
Tone-toneladang titulo ng lupa at tinatayang aabot sa P100 milyong halaga ng mga equipment sa Land Management Bureau (LMB) ang naabo.
Samantala, isang mall sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila ang nagliyab, kahapon ng umaga.
Nagsimulang lumiyab ang Manila City Plaza mall, bandang 10:00 ng umaga.
Agad naapula ang apoy pagsapit ng 10:51 ng umaga.
Walang iniulat na sugatan habang inaalam pa ang sanhi at ang halaga ng mga natupok.
-Mary Ann Santiago