TAGAYTAY CITY -- Giniba ni Filipino International Master Paulo Bersamina si Indonesian Fide Master (FM) Arif Abdul Hafiz para makopo ang solong liderato matapos ang 3rd round ng 2018 Asian Universities chess championships nitong Lunes sa Tagaytay International Convention Center.

Nangibabaw ang three-peat UAAP most valuable player sa tough, 42-player-field, Nine-round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at suportado nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez, Tagaytay City government, na nirendahan nina 7th district rep. Abraham “Bambol” Tolentino Jr. at Mayor Agnes Tolentino at sanctioned ng Asian Chess Federation.

Ang Tournament director ay si International Organizer Castro “Toti” Abundo habang si International arbiter Bong Gunawan ng Indonesia ang chief arbiter kung saan ang assistant ay sina IAs Patrick Lee at Lito Abril.

“I hope to do well in this event,” sabi ng 20-years-old Bersamina, top player ng three-peat UAAP champion National University chess team na nasa kandili nina NU team manager Samson Go at coach United States Chess Federation master Jose “Jojo” Aquino Jr.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Si Bersamina na nag-uwi din ng silver medal sa 2018 Philippine National Games standard chess competition sa Cebu City kamakailan ay nanalo matapos ang 56 moves ng Sicilian skirmish tangan ang black pieces.

Ang Pasay City bet ay nanaig kina Tze Hong Law ng Malaysia sa first round at kababayang si National Master John Merill Jacutina ng Quezon City sa second round.

Dahil sa natamong panalo, nakamit ni Bersamina ang pangkahalatang liderato na may 3.0 puntos, kalahating puntos ang kanyang angat kina IM John Marvin Miciano ng Davao City, IM Wang Chen at IM Xu Yi ng China, IM Farid Firman Syah at FM Yoseph Theolifus Taher ng Indonesia.

Sa distaff side, nagtala ng magkahiwalay na panalo sina Woman Grandmaster Wang Jue at Woman International Master Qiu Mengjie ng China para magsalo sa unahang puwesto na may perfect 3.0 puntos.

Pinigil ni Wang si Woman Fide Master Shania Mae Mendoza ng Santa Rosa City sa 36 moves ng Pirc defense habang namayani si Qiu kay Woman International Master Bernadette Galas ng Makati City sa 36 moves ng Caro-kann defense.

Nauwi lamang sa tabla ang laban ni Woman International Master Marie Antoinette San Diego ng Dasmariñas City kay Woman Fide Master Sahajasri Cholleti ng India sa 40 moves ng Sicilian defense para manguna sa group ng 2.5 pointers kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Jerlyn Mae San Diego at Cholleti.