NANG magtalumpati si Pangulong Duterte sa inagurasyon ng Davao River Bridge Widening Project noong nakaraang Huwebes ng gabi, inihayag niya na may isa pa siyang sisibaking opisyal ng gobyerno dahil sa alegasyon ng kurapsiyon. Muling binigyang diin ng Pangulo ang banta niya sa mga opisyal ng gobyerno na huwag na huwag masasangkot sa kurapsiyon o makikipagtransaksiyon sa sinuman sa kanyang mga kamag-anak kung ayaw ng mga itong masibak sa tungkulin. Noong nakaraang linggo lamang ay pinatalsik ng Pangulo si Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino dahil sa pakikipagnegosasyon sa kapatid niyang babae tungkol sa Mindanao Railway Project. Nauna rito, pinagbitiw ni Duterte sa tungkulin sina Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr. at Public Works Secretary Tingagun Umpa, na kapwa nag-resign kaagad.
Dalawang uri ang nangyayaring sibakan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Bukod sa mga naunang nabanggit na opisyal, tinanggal sa pwesto sina Justice Secretary Aguirre at Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo. Ang mitsa ng pagkakatanggal ni Aguirre ay nang iabswelto ng panel of investigators, na kanyang nilikha, ang mga drug lords at mga nagbebenta ng droga. Si Secretary Teo ay nang pondohan ng kanyang departamento ang programa ng kanyang kapatid sa telebisyong pag-aari ng gobyerno upang ibenta ang bansa bilang tourist destination. Palihim na sinabihan ng Pangulo na magbitiw na. Ayon sa Pangulo, hindi sila hayagang sinasabihan na sinisibak ang mga ito, hindi tulad ng ginawa niya kina Tolentino, Macarambon at Umpa, para hindi sila mapahiya. Matimbang sa mga ito ang kanilang relasyon.
Pero, nauna sa mga opsiyal na ito na pinagbitiw, hayagan o palihim, ay ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) Commisioner Faeldon at dalawa pa niyang kasama, na nag-alsa laban kay dating Pangulong Gloria, na inalis ng Pangulo dahil nasangkot ang mga ito sa droga. Gumawa sila ng patakaran sa BoC upang dumaan ang mga kargamento sa green o express lane. Ang mga kargamentong ito ay lalabas sa BoC na malaya dahil libre sila sa inspeksiyon. Dahil dito, nakalusot ang napakalaking halaga ng shabu na natunton sa isa mga warehouse sa Valenzuela. Sa imbestigasyong ginawa sa Senado, nakaladkad ang anak ng Pangulo na si Paolo at manugang na si Atty. Mans Morales. Bagamat inabswelto ng Senate Blue Ribbon Committee ang dalawa, pinakasuhan naman nito sina Faeldon at ang dalawa niyang opisyal. Pero sa pagdinig na naganap, lumabas na may ilang beses na nakipag-usap si Atty. Morales kay Commissioner Faeldon sa kanyang opisina.
Totoo, sinibak ni Pangulong Digong si Faeldon at ang dalawa niyang kasamang opisyal dahil sa nakapuslit sa BoC ang 6.4 bilyong halaga ng shabu. Ang malaking pagkakaiba ng pagtanggal sa kanila sa tungkulin sa BoC sa mga nauunang nabanggit na pagsibak, ay inilipat sila ng Pangulo sa ibang pwesto sa gobyerno. Kaya nagkakaiba ang sibakan, depende kung sino ang nakikipagtransaksyon kanino. Kapag ang opisyal ng gobyerno ang nakipag-usap sa kamag-anak ng Pangulo, isang uri ito ng sibakan. Ang ikalawa, ay kung ang kamag-anak niya ang makikipagtransaksyon sa opisyal. Sa klaseng ito, nalilipat sa ibang posisyon ang nasibak.
-Ric Valmonte