SA patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo ng langis sa pamilihang pandaigdig, na nagiging sanhi ng patuloy ring pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas, balak ng Duterte administration na sa non-OPEC oil producers umangkat ng langis. Kabilang dito ang US at Russia na hindi kabilang sa OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries).
Ang OPEC ang tradisyunal na source o pinagkukunan ng fuel ng Pilipinas. Karamihan sa mga bansa na kasapi ng OPEC ay mula sa Gitnang Silangan o mga bansang-Arabo. Dahil sa problema at gulo ngayon sa Middle East, apektado ang presyo ng crude oil.
Samakatwid, kabilang ngayon ang US na hate na hate ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na posibleng pagkunan ng fuel ng PH bukod sa bansa na idolo ng ating Pangulo, si Vladimir Putin. Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang pagbaling ng ating bansa sa non-OPEC ay isang senaryo matapos maglunsad ng protest actions ang militant groups laban sa TRAIN law na sinisisi sa pagtaas ng mga bilihin.
Binabalewala lang ni Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III ang paninira o pamba-bash sa kanya bilang bagong pangulo ng Senado. Ikinukumpara kasi siya sa naging mga senate president, tulad nina Manuel L. Quezon, Ferdinand Marcos, Jovito Salonga, Nene Pimentel, Franklin Drilon atbp., pa na karamihan ay abogado at matatalino.
Binibira si Sotto sa social media na hindi raw karapat-dapat na maging pangulo ng Senado dahil sa mahabang panahong pagiging komedyante at entertainer. Ayon kay Sotto, hindi na lang niya papansinin ang negatibong mga komento sa kanya at sa halip, itutuon ang atensiyon sa trabaho at hayaang ang accomplishments niya bilang senador sa loob ng maraming taon ang magpatunay na siya’y hindi lang komedyante sa mga pelikula at entertainer sa “Eat Bulaga Show” kundi isang accomplished senator.
Binawi ng Pentagon (US) ang imbitasyon sa Chinese Navy para lumahok sa 2018 Rim of the Pacific (RIMPAC) military exercises bunsod ng militarisasyon nito sa South China Sea. Ang RIMPAC na dating dinadaluhan ng China, ang itinuturing na “world’s largest international maritime exercise” na ginaganap tuwing ika-2 taon sa Hawaii tuwing Hunyo at Hulyo.
Kailangan daw kumain ng malulusog na pagkain at sunugin ang di-kinakailangang calories upang maiwasan ang pagtaba. Ayon sa mga researcher, isang quarter ng global population ay magiging obese o mataba sa susunod na 27 taon.
Batay sa pananaliksik na iprinisinta sa European Congress on Obesity sa Vienna, Austria, isa sa walong tao ang magkakaroon ng Type 2 diabetes bunsod ng pagiging obese o mataba. “These numbers underline the staggering challenge the world will face in the future in terms of numbers of people who are obese or have Type 2 diabetes.”
Samakatwid, hindi na tama ngayong purihin ang isang bata na malusog kapag siya’y mataba. Hindi na rin angkop na sabihin ng isang tumanggap ng gawad o papuri na “Nakatatabang-puso naman ito.” Aba, ‘pag mataba ang iyong puso, delikado kang ma-heart attack o kaya’y ma-stroke. Kung ganoon, iwasan natin ang matataba, matatamis, maaalat, at mamantikang pagkain!
-Bert de Guzman