Inihayag ng Malacañang na imposibleng itaas sa P750 ang minimum na suweldo sa pribadong sektor sa buong bansa, dahil tiyak na magkakaroon ito ng implikasyon sa inflation.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang ihain kahapon ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang itaas sa P750 ang national minimum wage sa bansa.

Ayon sa mga nabanggit na kongresista, layunin ng panukala “[to] ease the suffering” ng mga Pilipino sa ipinatutupad na Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Kasama ang anim pang militanteng solon, inihain kahapon ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao ang House Bill 7787 upang igiit ang P750 national minimum wage para sa pribadong sektor, at pagbuwag sa regional wage boards.

National

Marce, lalo pang lumakas; Signal #1, itinaas sa 14 lugar sa Luzon

“It is not only that the current level of wages per region no longer answers to the basic daily needs of workers’ families. It is also no longer commensurate to the contribution of labor to the economy,” anang mga mambabatas.

Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sumang-ayon si Roque na ang pagtataas sa minimum wage ay tiyak ding magpapataas sa inflation rate ng bansa, dahil mapipilitan ang mga kumpanya na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo.

“Meron ding posibilidad na habang i t i n a t a a s ang sweldo, maraming mawalan din ng trabaho. Kaya nga po kinakailangang pag-aralang mabuti,” sabi ni Roque.

“Kaya po ang senyales ay ibinigay na [ng Presidente] para simulan na ang proseso ng pag-aaral kung talagang kailangang itaas ang minimum wage.

“Ang ginawa lang po ni Presidente, sinimulan na ang proseso kasi nga po, without this directive, eh kinakailangang mag-file pa ng petition para magsimula,” dagdag pa ni Roque.

Inihayag kamakailan ng Malacañang na inatasan na ni Pangulong Duterte ang regional wage board, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DoLE), na alamin kung kailangan na talagang itaas ang minimum wage sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, kasunod ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

“Sinabi na ni Secretary [Silvestre] Bello [III] iyong mga regional wage board magpulong na. Tingnan kung dapat itaas iyong mga minimum wage dahil alam natin mas mataas ang bilihin, kinakailangang mas mataas ang sahod,” sinabi ni Roque nitong weekend. “Kaya lang po may proseso, hindi na puwedeng national iyan kasi may batas po na ginawang regional.”

Ipinauubaya naman ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa Kongreso ang pagtataas ng minimum wage, kahit pa nagsasagawa na sila ng pag-aaral sa panukalang umento.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, ulat nina Charissa Luci-Atienza at Mina Navarro