Aabot sa P100 milyon halaga ng high-tech tools para sa digitization ng mga record ng lupain sa buong bansa ang naabo sa mahigit sa kalahating araw na sunog sa gusali ng Land Management Bureau (LMB) sa Cervantes Street sa Binondo, Maynila, kahapon.
Kabibili lang ng LMB ng nasabing mga gadgets, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa kabila nito, tiniyak kahapon ng DENR sa publiko na ligtas ang lahat ng land records na nasa LMB, dahil ang mga naabong kopya sa gusali back-up lang ng mga dokumentong nasa mga regional office—na computerized na rin ang records.
Bukod sa gusali ng LMB, natupok din ang residential building na Moraga Mansion, ang BPI building, at ang Juan Luna Building na kinaroroonan naman ng National Archives.
Tatlong bombero naman ang nangailangan ng medical response nang mahirapang huminga habang inaapula ang sunog.
Mismong tubig naman mula sa kalapit na Pasig River ang ginamit ng mga bombero sa pag-apula sa apoy.
Batay sa ulat ng Manila Fire Department, 12:29 ng umaga kahapon nang nagsimula ang sunog sa ikapitong palapag ng gusali ng LMB.
Ayon kay Jun Ritwal, trabahador ng canteen ng gusali, bago sumiklab ang sunog ay may narinig pa silang pagsabog, na nakumpirma nila kalaunan na nagbabagsakan palang salamin ng gusali.
Bandang 2:00 ng hapon kahapon ay nasa Task Force Charlie pa ang sunog, pero confined na ito at hindi na inaasahang kakalat pa ang apoy, ayon kay Manila Fire Marshall sSenior Supt Jonas Silvano.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang napinsala nito.
-MARY ANN SANTIAGO at ELLALYN DE VERA-RUIZ