Iginiit ni Senador Francis Pangilinan ang pagbitaw ni Solicitor General Jose Calida sa gitna ng mga ulat na nagkamal ng P150 milyon halaga ng mga kontrata sa pamahalaaan ang security firm na pag-aari ng kanyang pamilya.

Ayon kay Pangilinan, kung si dating Department of Tourism (DoT) secretary Wanda Tulfo-Teo ay nag-resign dahil sa P60-M kontrata na nakuha ng mga kapatid nito, dapat lang na magbitaw rin si Calida.

“If DoT Secretary Wanda Teo resigned because the DoT/PTV 4 favored her Tulfo brothers’ TV production company to the tune of P60-M worth of government contracts then Solicitor General Jose Calida, the lawyer of the government, should resign“ diin ni Pangilinan.

Iniulat na ang Vigilant Investigative and Security Agency na pag-aari ni Calida at ng kanyang asawa ay nakakuha ng mga kontrata mula sa Department of Justice (DoJ) kung saan nakapaloob ang Office of the Solicitor General, Philippine Amusement Game Corporation (Pagcor) at National Economic Development Authority (NEDA).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ikinatwiran ni Calida na walang conflict of interest dahil matagal na siyang nag-resign sa mga kumpanya ng kanyang pamilya bago maging SolGen.

Dumepensa ang Malacañang kay Calida, sinabi na ang mga panawagan para sa pagbibitiw nito ay nakaugat sa tagumpay ng quo warranto petition na nagpatalsik kay dating chief justice Maria Lourdes Sereno kamakailan.

Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ng Presidential Spokesperson Harry Roque na halata namang nais patalsikin ng kanyang mga kritiko si Calida bunga ng quo warranto petition.

“Kayo naman, alam niyo naman kung bakit lumalabas ‘yang mga pula na ‘yan kay SolGen Calida. Nanalo kasi siya doon sa quo warranto petition niya. Binabawian siya ng mga kalaban niya. Obvious naman ‘yan,” ani Roque.

Binanggit din niya ang pagkakaiba sa kaso nina Teo at Calida.

“And he (Calida) has not entered in any contract with his own office, the Office of the Solicitor General. So I think there’s a world of a difference between the Wanda Teo transaction and the Solicitor Calida,” dagdag ni Roque.

-Leonel M. Abasola at Argyll Cyrus B. Geducos