NAGHATID ng saya, bagong kaalaman, at serbisyo publiko sa halos 700 na kababaihan ang DZMM sa ginanap na “HaPINAY Day: DZMM Buntis Congress” nitong Mayo 20 sa Robinsons Place Las Piñas Activity Center.

Ngayong taon, hindi lang mga nagdadalantao ang kasali sa Buntis Congress, na mas pinalawak para paglingkuran din pati mga nanay, lola, tita, at kadalagahan.

Ayon sa DZMM station manager na si Marah Faner-Capuyan, mahalagang alagaan ng kababaihan ang kanilang kalusugan lalo na ang mga nanay at nagdadalantao na madalas ay nakakalimutan ang pag-aayos ng sarili dahil abala sa pangangalaga sa pamilya.

“Alam po nating napaka-busy at maraming ginagampanang pangangailangan para sa sarili at sa pamilya ang mga kababaihan, kaya nandito po kami ngayon, kasama ang ating mga DZMM anchors para personal na makasalamuha kayo at magbigay ng praktikal at importanteng tips na pwedeng gamitin sa pang-araw-araw,” aniya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Bukod sa Buntis Tips mula kay Dra. Bles Salvador ng programang Dra. Bles @ Ur Serbis, naghatid din ng Ganda Tips si Ma-Beauty po naman anchor Cory Quirino at DZMM resident dermatologist Dr. Luisa Ticzon-Puyat para sa pagpapanatili ng kagandahan at magandang pangangatawan. Nagpayo rin si Dr. Lulu Marquez ng programang Private Nights sa mga isyung pangmag-asawa, at Wais Tips naman ang ibinahagi ni Atty. Claire Castro ng Usapang de Campanilla at Vic Garcia ng Tulong Mo, Pasa Ko, na tumalakay sa mga isyung legal at pinansyal.

Tinalakay din sa programa, na hinost nina Ahwel Paz at Niña Corpuz-Rodriguez, ang Pinggang Pinoy kasama ang nutritionist na si Jovina Sandoval, ang mga uso sa fashion kasama ang blogger na si Katrina Ruth Ramos, at tamang pangangalaga sa mga batang may special needs kasama si Joey Ambalada ng Winged Wonder Institute of Education. Nagbahagi rin si Niña ng tips mula sa libro niyang How to Raise a Superstar.

Ikinatuwa ng 23-anyos na inang si Carmina Cornejo ng Brgy. Aldana, Las Piñas na nakasama siya sa ika-16 taon ng Buntis Congress.

“Masaya. First time lang namin pero ang dami-dami na naming natutunan. Salamat sa DZMM sa pagkakataong ganito kasi nagsasama ang mga nanay at mga babae para mag-share ng mga kuwentong nanay,“ saad ni Carmina.

Iba’t ibang organisasyon ang katuwang ng DZMM sa proyektong ito kabilang ang Department of Health (DOH) at Midwives Foundation of the Philippines, Inc. Kuwento ng isang miyembro nitong si Beth Dumaran, nagagalak siya sa pakikibahagi sa Buntis Congress sa matagal na panahon.

“Lahat kami sa organisasyon namin masayang makatulong at maging partner ng DZMM. Satisfied ang mga nanay at may follow through kung ano’ng nangyari sa kanila pagkatapos. Lagi naming sinasabi, ibahagi mo natutunan mo dito, i-verify mo pag-uwi. Dalhin mo at ipasa sa komunidad,” pagbabahagi niya pagkatapos ng kanyang lecture tungkol sa pangangalaga ng sanggol na bagong silang.

Bukod sa bagong kaalaman, naghatid din ng kilig at papremyo ang DZMM sa mga “HaPINAY” sa tulong nina Joshua Marquina, Markki Stroem, at ang prince of RnB na si Jay-R. Nanalo naman ng Baby Showcase ang apat na buwang buntis na si Rosalyn Ladera ng Sitio Pugad Lawin sa Las Piñas para sa kanyang pangalawang anak.

“Masaya po ako. Sobrang saya at hindi ko po kayang bilhin itong napanalunan ko, malaking bagay ito sa akin,” pagbabahagi pa niya. Panalo rin sina Alice Tanada bilang Gandang Pinay at Janet Zaldriaga bilang Gandang Buntis.

Samantala, patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipino ang DZMM Radyo Patrol 630. Ayon sa survey ng Kantar, nananatili itong numero unong AM radio station sa Mega Manila base sa radio survey na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25, 2018. Nakakuha ng 34% na audience share sa AM band ang DZMM, malayo sa 27% ng DZBB, at 15% ng DZRH.

Para sa karagdagang impormasyon sa DZMM, sundan lang ang @DZMMTeleRadyo sa Twitter at Facebook o pumunta sa www.dzmm.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.