SA pulong na naging bahagi ng 51st Asian Development Bank (ADB) Annual Meetings kamakailan, sinabi ni ADB Vice President (Operations 2) Stephen P. Groff na may malakas na ‘macroeconomic fundamentals’ ang Pilipinas na makatutulong sa bansa na kayanin ang pautang na alok ng ilang bansa, tulad ng China.
“There aren’t any major concerns at the moment about debt sustainability in the Philippines,” aniya. “It has had strong macroeconomic management for a number of years now and that has put the country in a position to increase its borrowing to finance infrastructure investment to finance human capital development.”
Inilabas ng opisyal ng ADB ang pahayag sa gitna ng babala ni International Monetary Fund (IMF) Managing Director Christine Lagarde na maaaring kaharapin ng bansa ang “payment challenges” kung tatanggapin nito ang mga pondong iniaalok ng China para sa mga walang kasiguraduhang proyekto.
Ang pahayag ni Groff sa malakas na ekonomiya ng Pilipinas ay ‘tila tugon sa mga kritiko ng administrasyong Duterte na natatakot na lubos tayong dumedepende sa China sa mga pinansiyal na utang nitong ibinigay para sa ilang mahahalagang proyekto. Ang mga utang na ito, ayon sa mga kritiko, ay maaaring maglagay sa alanganing sitwasyon sa mga likas na yaman ng bansa bilang kolateral at malubog ang Pilipinas sa utang, tulad ng Sri Lanka. Noong nakaraang taon, hindi nagawang mabayaran ng Sri Lanka ang utang nito sa China para sa Hambantota Port, na kalaunan ay ipinasa rin sa huli ang pangangasiwa sa lugar para sa 99 na taong pagpapaupa rito.
Sa ilalim ng polisiya ng kooperasyon ni Pangulong Duterte sa China—sa halip na komprontasyon sa pinag-aagawang mga isla sa South China Sea—ilang proyekto ang inihilera ng Pilipinas gamit ang tulong na pautang ng China. Pinirmahan nitong nakaraang buwan ang kasunduan para sa P3.14-bilyon Chico River Pump Irrigation Project.
Ilan pa sa mga inaasahang lalagdaang kasunduan ay ang pagpopondo ng China para sa P10.86-bilyon Kaliwa Dam-New Centennial Water Source Project, at sa P151-bilyon Philippine National Railways-South Long-Haul Railway. Kabilang din dito ang planong P57.6-bilyon Subic-Clark Railway, P25.6-bilyon Davao City Expressway, at ang P27-bilyon Panay-Guimaras-Negros Interisland Bridge. Nangako rin ang China ng $7.34 billion na pautang at donasyon bilang suporta sa P8.4-trilyong programang pang-imprastruktura ng Pilipinas.
Sa huli, ang lahat ng utang, mula man ito sa China, Japan, Amerika, o sa Europa—ay maaaring mawalan ng kabuluhan o kaya naman ay produktong magagamit, depende sa mga opisyal ng gobyerno at institusyong hahawak nito. Kung mabahiran ito ng kurapsiyon, anumang utang na pondo ay mawawala at mabibigo ang proyekto. Samakatuwid, ang tagumpay nito ay nakasalalay sa administrasyon, na sa kasalukuyan ay nagpapakita ng kahandaang sibakin ang sinumang opisyal na nasasangkot sa maaanomalyang transaksiyon.
Para naman sa pangamba na masyadong marami ang nakukuhang utang ng Pilipinas mula sa ibang bansa, kabilang dito ang ibinigay ng China at alok kay Pangulong Duterte sa maambisyong programa para sa pagpapaunlad ng ekonomiya, nakikibahagi tayo sa kumpiyansang inihatid ni ADB Vice President Groff na malakas ang batayang ekonomiya ng Pilipinas at kakayanin nating pasanin ang utang na kailangan upang maisakatuparan ang mga programang magpapaunlad sa bansa.