Maaari nang magsumbong ang mga estudyante na nabu-bully ng kapwa estudyante, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde.

Sa press briefing sa Camp Crame, maglalagay na ang PNP ng police assistance desk sa bawat paaralan sa bansa sa pagbubukas ng klase sa Hunyo, upang mahingan ng tulong mga biktima ng bullying.

Aniya, tutulungan ng mga pulis na nakabantay sa mga assistance desk ang mga mag-aaral, guro at magulang sa anumang police-matter, kasama na ang bullying.

Dalawang pulis, aniya, ang minimum na magmamando sa mga police assistance desk.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sisimulan aniyang i-deploy ang mga pulis, dalawa o tatlong araw bago magsimula ang pasukan sa Lunes, Hunyo 4.

“Mananatili po sila (mga pulis) sa paaralan hangga’t wala na silang makitang problema,” ani Albayalde.

Bukod dito, babantayan din ng mga pulis ang mga estudyante, guro at mga magulang laban sa masasamang-loob.

Ayon kay Albayalde, karaniwang problema kapag sumasapit ang school opening ang pandurukot, pagnanakaw at iba pang street crime.

-Fer Taboy at Aaron Recuenco