MATAPOS ang summer vacation, ngayong Mayo 29, ang mga guro sa mga public school ay magsisimula na ng kanilang gawain sa paaralan. Hindi sa pagtuturo sapagkat sa Hunyo 4 pa ang regular ng klase kundi upang kanilang pangunahan ang Brigada Eskwela. Isang gawain sa lahat ng public school bago ang pagsisimula ng klase. Sa Brigada Eskwela, kabalikat at katulong ng mga guro ang mga magulang at mag-aaral sa paglilinis at pag-aayos ng mga dapat ayusin sa paaralan. Boluntaryo o kusang-loob ang pagtulong ng mga magulang at mag-aaral.
Bagamat bawal na hingan ng tulong-pinansiyal ang mga magulang para sa paaralan, maraming magulang ang may iniative o kusang-loob na nagbibigay ng mga pintura upang pintahan ang loob ng mga classrrom. Binabarnisan ang mga upuan at ginagawa ang mga sirang silya. Pinapalitan din ang mga sirang blackboard. Inaayos din ang mga may sirang bubong ng school building. Sa Brigada Eskwela, lantay na nararamdaman ang diwa at bunga ng Bayanihan ng mga guro, mga magulang at ng mga mag-aaral. Isang ugaling Pilipino na tunay na maipagkakapuri at maipagmamalaki.
Kaugnay naman ng balik-eskwela o simula ng klase sa darating na Hunyo 4, batay sa iniaatas ng batas, ang simula ng mga klase sa public school ay itinakda tuwing unang Lunes ng Hunyo. Sa Balik-Eskwela, tinatayang umaabot sa 28 milyong mag-aaral sa public at private school ang papasok para sa school year 2018-2019.
Sa nakalipas na mga taon, nalalantad at lumulutang lagi ang mga problema sa pagsisimula ng klase. Kahit nagpapalit ng Department of Education (DepEd) secretary ang bawat administrasyon, hindi maiwasan ang pagkakaroon ng mga problema sa paaralan. Nariyan ang kakulangan ng mga silid-aralan kahit sinasabing maraming ipinagawa ang pamahalan. Gayundin ang problema sa kakulangan ng mga guro. Dahil sa kulang ang classroom at malaki ang bilang ng mga mag-aaral, nagpapatupad ng shifting ng klase. Sa umaga ang unang shift ng klase at sa hapon naman ang pangalawang shift. Kung minsan, dahil sa kakulangan ng classroom sa ibang mga bayan sa lalawigan, ang klase ay ginagawa sa ilalim ng punong-mangga na nasa bakuran ng paaralan. May nagkaklase rin sa UST (Under the Santol Tree). Malas ng mga estudyante kung mabagsakan sila ng higad sa batok at mangati ang katawan. May mga klase rin na ginagawa sa covered court ng paaralan.
Halos suko naman sa langit ang reklamo ngayon ng maraming ginang ng tahanan, biyuda, biyudo at mga single parent dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay dahil sa epekto ng ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na pinagtibay ng mga sirkero at payaso sa Kongreso. Ang epekto ng TRAIN law ay dahil sa excise tax sa mga pangunahing bilihin lalo na sa produktong petrolyo. Ang sagasa o epekto ng TRAIN ay naramdaman na ng ating mga kababayan mula nang ipatupad ito noong Enero. Umaangal na ngayon ang mga jeepney driver dahil sa linggu-linggong taas-presyo ng mga produktong petrolyo. Ang nakitang solusyon ay humingi ng dagdag-pasahe. May ilan namang Senador na nagmumungkahi sa suspension ng excise tax. May mga grupo na ng mga manggagawa ang nagkilos-protesta laban sa TRAIN law at hiniling na gawing P800 ang minimun wage sapagkat hindi na sumapat ang kanilang kinikita dahil sa sagasa ng TRAIN law.
Ayon naman kay Senador Lacson, dapat pag-isipang mabuti ang pagpapatupad ng TRAIN law sapagkat ramdam na umano ang pahirap nito sa mamamayan. Maraming proyektong magagawa ang pamahalaan at hindi lamang ang pagpapataw ng mga buwis na nagpapahirap sa sambayanan. Nangangamba si Senador Lacson na kapag kumulo na ang sikmura ng mamamayan at nagutom, maaaring maging dahilan ito ng rebolusyon. Kahit gaano pa kasikat ang isang lider, kapag nakaramdam na ng gutom ang kanyang nasasakupan, tiyak na magkakaroon ng gulo. Ayon pa kay Senador Lacson, ang dapat patawan ng excise tax ay ang mga kumpanya at hindi ang mga pangunahing bilihin. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, nagdarasal at hinihiling ang suspension ng TRAIN law at mabawasan ang paghihirap ng ating mga kababayan. May nagsabi pa tayong mga kababayan na talaga yatang walang suwerte ang mga Pilipino sapagkat sa bawat rehimen, may mga batas na pinagtitibay na parusa at pahirap sa mga Pilipino. Binanggit ang Oil Deregulation Law na walang magawa ang gobyerno sa mga dambuhalang kumpanya ng langis kapag nagdagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
-Clemen Bautista