NGAYONG ipinasara ang Boracay, isa sa maaaring puntahan at tuklasin ng mga turista ang bayan ng Lobo sa Batangas na bukod sa may mala-kristal na tubig-dagat ay marami pang maaaring pasyalan.

IMG_8658

Patuloy na pinalalakas ng lokal na pamahalaan ang agrikultura at turismo ng kanilang bayan.

Mula sa Metro Manila, 132 kilometro ang lalakbayin para makarating sa Lobo sa pamamagitan ng South Luzon Express Way (SLEX) at Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Mayroon ding bus mula sa Buendia diretso sa bayan ng Lobo.

Ayon kay Mayor Jurly Manalo, pinaiigting nila ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa kanilang fish sanctuaries at patuloy na pinangangalagaan ang mga ito upang makatulong sa hanapbuhay ng mga mangingisda.

Sa katunayan, mahigit 4200 blocks na artificial coral reefs na ang nailagay ng lokal na pamahalaan sa mga coastal barangay upang dumami ang mga isda at patuloy pa itong palalawakin sa 10 barangay.

Kabilang sa marine protected areas sa Lobo ang Lobo Mangrove Conservation Area; Sawang and Olo-Olo Fish Sanctuary and Refuge Area; Malabrigo Fish Sanctuary and Refuge Area at Biga Fish Sanctuary and Refuge Area.

JWIM2266

Naniniwala si Mayor Manalo na malaki ang potensiyal kung lalo pang pauunlarin ang agrikultura at turismo sa kanilang bayan na kamakailan ay idineklarang Agro- Tourism town.

Pinauunlad din sa Lobo ang produksiyon ng atis bagamat sila na ang tinaguriang Atis Capital at pinasisigla pang lalo ang mga kooperatiba na gumagawa ng sampalok wine na tampok sa kanilang taunang Anihan Festival tuwing buwan ng Setyembre.

Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Agriculture (DA), itinuturo at pinauunlad ang paggawa ng sardinas; sinasanay ang mga miyembro ng kooperatiba na gawin itong kaayaaya upang tangkilikin sa merkado.

May mga training din na isinasagawa ang Technology Enhancement Skills and Development Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Barangay Health Workers (BHW) at 4Ps beneficiary tulad ng pagmamasahe at iba pang mga serbisyo na kailangan ng mga turista.

Lobo Sanctuary copy

Pinalalakas din ng pamahalaang lokal ang pag-promote ng tour package na kinabibilangan ng pamamasyal at pangingisda sa Mangrove Forests ng Barangay Lagadlarin at Olo-Olo, Jaybanga Rice Terraces, mga bundok tulad ng Nalayag Point, Historical Light House (Parola) at iba pa.

Nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR), Department of Tourism (DoT), DoST, ABS-CBN Bantay Kalikasan Foundation at iba pang ahensiya upang paunlarin at i-promote ang community based marine tourism, farm tourism at mountain tourism.

Kasalukuyan nang kinokongkreto ang daang nagdurugtong sa Laiya-San Juan-Malabrigo Lobo kaya mas mapapabilis na ang pagtungo sa mga beach at diving resorts sa dalawang bayan.

Sa kasalukuyan ay may 26 na rehistradong resorts sa Lobo, na isang 3rd class municipality.

Ang mga pangunahing hanapbuhay sa bayang ito ay pagtatanim, pangingisda at ang turismo.

Sa patuloy na pagpapatayo ng imprastrakturang pangturismo, umaasa ang pamahalaang bayan na makakamit ang kanilang target na milyong turista sa mga taong darating.

-LYKA MANALO