IKA-28 ngayon ng Mayo. Isang karaniwang araw ng Lunes na balik-trabaho ang ating mga manggagawa at empleyado ng pamahalaan matapos ang dalawang araw na bakasyon. Ngunit sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, ang Mayo 28 ay may historical significance sapagkat pagdiriwang ito ng “National Flag Day” o Araw ng Pambansang Watawat, na isa sa sagisag ng ating Kalayaan. Sa mga flag raising ceremony ngayong Mayo 28 ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan, kung may sense of history at sense of nationalism ang mga mayor at mga gobernador, ang pagdiriwang ng Araw ng Pambansang Watawat ay magiging bahagi ng flag raising ceremony. Ang kahalagahan nito ay bahagi rin ng mensahe ng mga lokal na opisyal.
Ayon sa kasaysayan, ang historical significance ng Mayo 28 ay nakaugnay sa mga naganap noong Mayo 28, 1898. Matapos ang madugong labanan sa Alapan, isang barangay na nasa pagitan ng Imus at Kawit, Cavite, buong galak na itinaas at iwinagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo ang bandilang Pilipino bilang tanda ng tagumpay ng mga rebulosyonaryong Pilipno laban sa mga Kastila at tinawag itong “Battle of Alapan”. Ang nasabing pangyayari ang unang pagkakataon na iwinagayway ang bandila ng Pilipinas bagamat ang pormal at opisyal na pagtataas ng ating bandila ay noong Hunyo 12,1898 sa Kawit, Cavite, kasabay ng pagdedeklara ni Hereral Emilio Aguinaldo ng ating Araw ng Kalayaan. Bilang pagkilala naman sa kahalagahang pangkasayayan ng “Battle of Alapan”, noong Mayo 28, 1998, ay nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Executive Order No.179 na nag-aatas na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, ay isang magandang pagkakataon sa lahat ng Pilipino na isipin ang kahalagahan ng Pambansang Watawat.
Ang pagdiriwang at kahalagahan ng araw na ito ay alinsunod sa iniaatas ng RepublicAct No.8491 na lalong kilala sa tawag na “Flag and Heraldic Code of the Philippines” na pinagtibay ng Kongeso noong Pebrero 12, 1998. Iniaatas ng RA 8491 na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, ang lahat ng tanggapan o opisina, mga ahensiya at kagawaran ng pamahalaan, business establishment, mga paaralan at pribadong tahanan ay hinihikayat na magsabit o mag-display ng Pambansang Watawat. Kaya, kung mapagmasid ang marami nating kababayan, mapapansin na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ay makikita ang mga naka-display na bandilang Pilipino.
Bukod sa mga nabanggit, ang RA No. 8491 ay paalaala rin sa bawat Pilipino na isang natatanging sagisag ng ating national identity, pagmamahal sa bayan at pagiging isang bansa ang sariling bandila.
Ang bandilang Pilipino na bungang-isip ni Heneral Emilio Aguinaldo ay tinahi ni Gng. Marcela Agoncillo sa tulong ng kanyang anak na si Lorenza at Delfina Herbosa Natividad, pamangkin ng ating pambansang bayaning si De. Jose Rizal at bago naging ganap na Pambansang Watawat ay sumailalim sa siyam na pagbabago.
Ang bandilang Pilipino ay sagisag ng pagiging makabayan o nasyonalismo, pag-ibig sa bansa, mabuting hangarin at damdamin ng mamamayang Pilipino sa paghahangad ng kalayaan at kasarinlan. Dinala sa digmaan. Inspirasyon ng mga makabayan na lumaban at nagbuwis ng buhay alang-alang sa ating Kalayaan na tinatamasa at inaalagaan ngayon.
-Clemen Bautista