MAGKAKAROON ng pagkakataon ang Senado na maitama ang ilang batas na nagpapatupad ng operasyon ng Social Security System (SSS), ito ay sa pagtalakay ngayon ng Senate Bill 1753, “An act Rationalizing and Expanding the Powers and Duties of the Social Security Commisssion (SSC) to Ensure the Long-term Viability of the Social Security Sysytem”, na itinaguyod ni Sen. Richard Gordon, ang pinuno ng Senate Committee on Government Entreprises.
Naging sentro ng atensiyon ang SSS sa mga nakalipas na buwan dahil sa hakbang na maitaas ang pensiyon ng mga retirado mula sa pribadong sektor, marami sa kanila ang nararapat lamang na mabigyan ng tulong sapagkat mas mababa ang kanilang nakukuhang pensiyon kumpara sa pangangailangan nila sa kanilang pagtanda. Matapos ihalal si Pangulong Duterte, nagawang mapataas ng SSS ang buwanang pensiyon sa P1000. Plano na muling magdagdag ng P1000 ngayong taon, ngunit hanggat hindi nagkaroon ng ilang pagbabago, maaaring hindi maniliting buhay na organisasyon ang SSS.
Ang kasalukuyang batas, ang Social Security Act of 1997—Republic Act 1161, na inamyendahan ng RA 8282—ay nagtakda ng hanggang P16,000 buwanang kita na bayad ng lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Nakabase ang lahat sa ganitong panuntunan—ang buwanang kaltas, kompyutasyon ng mga benepisyo, at ang pensiyon sa pagreretiro. Malinaw na mas mababa ito kumpara sa buwang suweldo ng karamihan sa mga pribadong empleyado. Dahil sa ‘di makatotohanang panuntunan, ang koleksiyon ng SSS ay mababa sa nararapat gayundin ang mga benipisyo na nakasalalay sa koleksiyon. Walang ganitong panuntunan ang Government Service Insurance System (GSIS).
Hangad ng Senate Bill 1753 na magkaroon ng amyenda upang mas mabigyan ng kakayahan at maging mas epektibo ang SSS bilang isang social security organization. Layunin nitong mapalawak ang kapangyarihan ng pamumuhunan ng SSS upang makapasok ito sa ga public-private partnership na programa at sa makataong pamumuhunan, sa halip na mapako lamang sa mga bono sa kasalukuyan. Binibigyan din nito ng pagkakataon ang SSC na palampasin na lamang ang multa ng mga delikuwenteng employer at empleyado, upang muling makapagsimula. Pakay din nito na makabuo ng maiipong pondo para sa mga miyembro upang magsilbing ipon, bukod pa sa kanilang buwanang kontribusyon. At pahintulutan ang SSS na makapagbigay ng pautang sa mga pesiyonado.
Bukod dito, layunin din ng panukalang-batas na maisama ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa mga programa ng SSS. Noong 2016, umabot lamang sa 582,896 ang bilang ng mga OFW na bahagi ng SSS, kahit pa tinatayang nasa 2.3 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bahgi ng mundo.
At ang pinakamahalaga, iminumungkahi rin ng panukalang-batas na maiayos ang trabaho ng SSS, mapaganda ang sistema ng kontribusyon at ang mga benepisyo nito, nang hindi na kinakailangang aprubahan pa ng pangulo ng Pilipinas. Samakatuwid, anumang desisyon upang maiayos ang kontribusyon at benepisyo ay hindi na kinakailangan ng pulitikal na hakbang, kundi nakasalalay na ito sa pagtataya ng SSS at ng mga propesyunal nitong opisyal.
Hinihikayat natin ang mga miyembro ng Senado na ibigay ang kanilang suporta at pagpapatibay sa mga mungkahing disenyo sa SSS upang mas maayos itong makapagsibi sa mga miyembro at sa buong bansa sa kabuuan.