MULING naospital si dating President George H.W. Bush dahil sa kanyang low blood pressure at fatigue, isang buwan makaraang bawian ng buhay ang kanyang asawang si Barbara Bush.
Unang naospital ang 93 taong gulang na pulitiko noong Abril dahil sa impeksiyon sa dugo, wala pang isang linggo mula nang iburol ang kanyang yumaong kabiyak.
Nitong Linggo, naglabas ng pahayag ang opisina ni Bush na nagbigay ng detalye hinggil sa kanyang kondisyon.
“President @GeorgeHWBush was taken to Southern Maine Health Care (@SMHCHealth) today after experiencing low blood pressure and fatigue,” pahayag ng tagapagsalita ni Bush na si Jim McGrath sa Twitter. “He will likely remain there for a few days for observation. The former president is awake and alert, and not in any discomfort.”
Ilang beses nang isinugod sa ospital si Bush nitong nakaraang taon. Nitong Enero 2017, magkasabay na namalagi sa ospital ang mag-asawa nang makaranas ng “shortness of breath,” na may kaugnayan sa pneumonia, kasabay ng pagkakaroon ng fatigue at ubo ni Barbara.
Inihayag ng kanilang opisina na hindi na pumayag pang magpagamot si Barbara, nitong nakaraang buwan, para sa kanyang mga sakit at pumanaw, dalawang araw makaraan ang pahayag.
Tungkol sa kondisyon ni Bush kamakailan, inihayag ng kinatawan niya na siya ay “responding to treatments and appears to be recovering,” ulat ng Entertainment Tonight.