Ni Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, mithiin ng mga Filipino ngayon, disenteng trabaho at sweldo.
Lalo ngayon at panahon ng enrollment, ang karaniwang pamilyang Filipino ay mas malaki ang gastos, at dahil dito, mas kailangan ang mas maayos na trabaho at sweldo.
Ang ating inflation rate ngayon ay nasa 4.5% na. Ito na ang pinakamataas nating inflation rate sa loob ng maraming taon. Sa pagtaas nito, tumaas din ang bilihin, pagtaas na hirap habulin ng pangkaraniwang kita ng ordinaryong Filipino.
Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na kahit pa umaayos ang employment rate sa bansa, tumataas naman ang underemployment rate. Noong January 2017, ayon sa PSA, nasa 16.3% ang underemployment rate noong January 2017. Nitong January 18, naging 17% na ito. Ang mga underemployed ay ang mga taong may trabaho ngunit nagnanais pang magkaroon ng karagdagang oras sa pagtratrabaho o magkaroon ng karagdagang trabaho, o bagong trabaho na may mas mahabang oras.
Kaya nga’t hindi rin nakapagtataka na noong matapos ang 2017, sampung milyong Filipino ang nagsabi na lalo silang naghirap. Kumpara noong 2016, 44% ng mga Filipino, ayon sa survey ng Social Weather Stations, ang nagsabing mahirap sila. Nitong 2017, naging 46% na ang bilang nito.
Mahalaga ang trabaho. Ito ang langis na nagpapatakbo ng bawat pamilyang Filipino. Kung hindi sapat ang sahod na binibigay nito, babagal ang pag-angat ng pamilya, at makokompromiso ang kinabukasan nito, lalo’t pa’t pataas ang lahat ng bilihin ngayon. Isipin naman natin, kapag tumataas ang bilihin at hindi nakakahabol ang sweldo ng tao, wala ng natitira sa kaban nito. Kapag nagkaroon ng emergency, wala ng mahuhugot. Saan pa pupulitin ang pamilyang Filipino?
Ayon sa Quadregesimo Anno, the worker must be paid a wage sufficient to support him and his family. Ganito ba ang pamantayan ng ating pagbibigay ng sweldo ngayon?
Ayon din sa Pacem in Terris, ang gobyerno ay kailangang maglunsad ng mga epektibong gawain na magsisiguro na ang may kayang magtrabaho ay makakakita ng trabaho, at ang bawat manggagawa ay makatatanggap ng makatarungan at patas na sweldo.
Kapanalig, sa pagbibigay ng disenteng trabaho at sweldo, hindi lamang panggastos ang binibigay natin sa pamilyang Filipino. Pag-asa din na isang araw ay malalampasan natin ang kahirapang kay higpit ng kapit sa ating pamilya.