NAIPOSTE ng PLDT ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos walisin ang Philippine Army, 25-15, 25-10. 25-23 kahapon sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League 2 Reinforced Confidence sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Kapwa nagtala ng tig-11 puntos sina Mark Gil Alfafara at Johnvic de Guzman upang pangunahan ang nasabing pagdomina ng Ultra Fast Hitters sa Troopers.
Dahil sa panalo, umangat ang PLDT sa patas na markang 2-2, panalo-talo at sa solong ikalawang puwesto kapantay ng Instituto Esthetico Manila at Vice Co. na may markang 2-1.
Wala namang nakatapos na may double digit sa Troopers na pinangunahan nina Benjaylo Labide, Antonio Torres at Patrick John Rojas na nagsipagtala ng tig-7 puntos.
Ang kabiguan ang ikatlo para sa Army kontra sa nag-iisa nilang panalo.
Tanging sa blocks lamang nakadikit ang Army sa itinala nilang 4 na blocks kumpara sa 5 ng PLDT.
Dominado sila ng Ultra Fast Hitters sa hits, 41-24, sa service aces, 9-1, sa digs, 27-12, at excellent receptions, 33-22 maging sa excellent sets kung saan nagtala si Ron Villegas ng 24 kumpara sa 13 lamang ni Nico Ramirez.
(Marivic Awitan)