Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Tiniyak ng Malacañang na inatasan at pinakikilos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Gabinete upang masolusyunan ang mga epekto ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo sa world market.
Sa panayam sa kanya ng DZMM kahapon, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na alam ni Pangulong Duterte ang kasalukuyang sitwasyon at mayroon na itong tatlong marching order upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa publiko.
“Ang Presidente natin, hindi naman po manhid sa mga pangyayari. Talagang walang gusto po na ganitong kataas ang presyo ng langis. Kaya ngayon po ay tatlong bagay ang kanyang ipinag-utos,” ani Roque.
PRICE MONITORING
Sinabi ni Roque na inatasan na ng Pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) na pakilusin ang lahat ng surveillance team ng kagawaran upang magsagawa ng istriktong monitoring sa presyo ng mga bilihin at arestuhin ang mga nagpepresyo nang higit pa sa suggested retail price.
“Unang-una ‘yung DTI na magmasid at talagang hulihin ‘yung mga negosyante na lumalabag sa suggested retail price.
Kasi ang dami ring nagsasamantala sa ngayon,” ani Roque. “Talagang napakataas ng bilihin, pero ito po siguro mga 70% nagsasamantalang mga negosyante. Mayroon po ‘yang fine at mayroon din po ‘yang pagkakasara (ng negosyo).”
DAGDAG-SUWELDO
Ikalawa, sinabi ni Roque na inatasan ng Presidente ang Department of Labor and Employment (DoLE) na alamin kung kakailanganing taasan ang minimum wage.
“Sinabi na ni Secretary [Silvestre] Bello [III] iyong mga regional wage board magpulong na. Tingnan kung dapat itaas ‘yung mga minimum wage, dahil alam natin mas mataas ang bilihin, kinakailangan mas mataas ang sahod,” sabi ni Roque.
MURANG LANGIS
Ang ikatlong marching order ni Duterte, ay ang paghahanap ng Department of Energy (DoE) ng ibang bansa na mapagkukuhanan ng Pilipinas ng murang langis.
“Gumagalaw na po ang DoE ngayon para maghanap ng mas murang langis galing po sa mga non-OPEC (Organization of the Petroleum Exporting Countries) members, kasama na po ang Russia,” sabi ni Roque. “Gagawin po natin ang lahat para po makaangkat ng mas murang mga langis, dahil hindi naman lahat po ng oil producers ay members ng OPEC.”