NAGAWANG malusutan ng De La Salle ang matinding hamon na ibinigay sa kanila ng University of the East tungo sa 71-62 panalo para mangibabaw sa Group A sa pagpapatuloy ng Filoil Flying V Preseason Cup na inihahatid ng Chooks-to-Go sa San Juan City.

Pinasiklab ni Mark Dyke ang itinudlang 10-2 blast ng Green Archers sa final frame, upang makamit ang tagumpay.

Nagtala ang dating National University Bullpup ng 18 puntos, lima dito ay kabilang sa nabanggit na 10-2 spurt bukod pa sa 9 na rebounds upang pamunuan ang Green Archers sa kanilang ikalimang sunod na panalo.

“’Pag binibigyan ako ng opportunity ni coach, kahit ilang minutes lang ako binibigay ko pa ‘rin ‘yung best ko. Lalo na ngayon, maraming may injury sa amin,” ani Dyke.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Kapag pinasok na ako, gagawin ko ‘yung best ko.”

Nag-ambag naman ang kanilang Kiwi teammate na si Taane Samuel ng 12 puntos at siyam na rebounds kasunod si Justine Baltazar na may 11 puntos.

Pinangunahan naman ni Alvin Pasaol ang Red Warriors sa itinala nitong 20 puntos.

Nauna rito, nakaligtas din ang Far Eastern University sa kabiguan sa kamay ng University of Santo Tomas matapos nitong padapain ang huli, 86-82.

Isang mahalagang defensive stop ang ginawa ni Richard Escoto sa crunch time nang agawin nito ang bola upang pigilan ang tangkang pagtabla ng Tigers may nalalabi na lamang 33 segundo bago nya sinelyuhan sa pamamagitan ng split sa kanyang freethrows sa nalalabing 16.5 segundo sa laro.

Tumapos na topscorer si Joseph Nunag para sa Tamaraws sa itinala nyang 16 na puntos kasunod si Escoto na may 15 puntos habang pinangunahan ni Zachary Huang, na umiskor ng 23 puntos para sa UST na bumagsak sa markang 1-5, panalo-talo. (Marivic Awitan)