ANG director at writers ng Kambal Karibal ang sinisi ng viewers sa pagkamatay ng karakter ni Jeric Gonzales sa hit primetime series ng GMA-7; at hindi si Marvin Agustin na bilang si Raymond, siyang pumatay kay Macoy (Jeric).
Nalulungkot ang viewers ng Kambal Karibal, lalo na ang shippers ng love team nina Jeric at Kyline Alcantara dahil sa pagkamatay ng karakter ni Jeric, wala na ang love team na sinusuportahan nila.
May nag-isip din na kaya pinatay si Jeric sa story para mag-shine si Kyline o kaya’y bigyan ng panibagong kapareha. May naniniwala namang kaya pinatay ang karakter ni Jeric para mas palutangin pa sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
Hindi naisip ng viewers na kaya pinatay ang karakter ni Jeric dahil may bago itong teleserye sa GMA-7. Kasama siya sa cast ng Ikalimang Utos na magsisimula na ang taping. Nasa cast din ng bagong Afternoon Prime sina Jean Garcia at Jake Vargas kaya wala na rin sila sa Kambal Karibal.
Kaya walang dapat ikalungkot ang fans ni Jeric dahil patuloy siyang mapapanood, kaya lang, hindi na niya kasama si Kyline. Abang-abang na lang sa next soap nila.
“My love for everyone! Thank you, mga Parekoy!” ang short thank you message ni Jeric sa mga sumuporta sa kanya at nagmahal kay Macoy! (Nitz Miralles)