Magkakaroon na nga ba ng balasahan sa Philippine National Police (PNP) sa susunod na mga araw?

Inihayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na dalawang beses na siyang nakipagpulong sa national oversight committee sa nakaraang apat na araw upang talakayin ang naging performance ng mga ground commander ng pulisya sa bansa.

Layunin, aniya, ng pagpupulong na mabatid kung magkakaroon ng balasahan sa pamunuan ng PNP sa mga rehiyon dahil sa malamyang performance ng mga ito.

“My directive to all regional directors (RDs) is continuity. Whether it be on our campaign against illegal drugs, criminality, corruption and most especially, our internal cleansing. We will deliberate on the performances of the commanders on the ground including the station commanders, the city directors, provincial directors and even the regional directors to check their compliance to our efforts,” sabi ni Albayalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binigyang-diin nito na magsasagawa ang PNP ng buwanang deliberasyon upang masubaybayan kung epektibo ang trabaho ng mga ground commander.

Tumanggi naman si Albayalde na tukuyin kung magkakaroon ng pagbalasa kapag nabigo ang mga tauhan niya sa inaasahan niyang maigting na trabaho ng mga ito.

Gayunman, binanggit ni Albayalde na bibigyan pa rin niya ng isa pang pagkakataon ang mga ito na patunayang karapat-dapat pa sila sa puwesto.

“It is hard to immediately remove the commanders from their post when something big happens and they cannot solve it immediately. If we see that they are really exerting effort, then they will be given a chance to solve the case,” anito.

Matatandaang sinibak ni Albayalde ang dalawang mataas na opisyal ng La Union Police Provincial Office dahil sa pagkabigong malutas ang pamamaslang kay dating La Union Rep. Eufranio Eriguel, kamakailan. (Martin A. Sadongdong)