Hinilling kahapon ni Partido Manggagawa (PM) Chairperson Rene Magtubo sa itaas ang suweldo sa bansa dahil na rin sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, partikular ang pagtaas ng mga bilihin.
Idinahilan ni Magtubo na sapat na ang malaking epekto ng nasabing batas upang gumawa ng hakbang ang regional wage board sa pamamagitan ng summary proceedings kaugnay ng kahalagahan ng pagtataas ng suweldo.
Aniya, kahit walang isinampang wage petition sa kani-kanilang rehiyon ay maaari nang simulan ng mga wage board ang naturang hakbanng.
“Evidently, the effect of TRAIN law on inflation is fast and furious nationwide hence, the regional wage boards need not wait a year to lapse from their last issued wage orders before they can conduct public hearings on wage petitions. In fact, they can even act moto propio on this issue on the basis of a supervening event like this one,” paliwanag nito.
Kinakailangan din aniyang magkaroon ng reporma sa ipinaiiral na wage policy, katulad ng hinihiling ng mga labor group, na labis na naapektuhan ng TRAIN Law.
Sinuportahan din ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang naturang panawagan dahil na rin sa nakaraang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
-Leslie Ann Aquino