Nanindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isasakatuparan ang layunin ng ahensiya na linisin ang buong bansa sa ilegal na droga sa 2022.
Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na handa ang ahensiya na isakatuparan ang nasabing target, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.
Sa inagurasyon ng bagong localized reformation center sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, ipinagmalaki ni Aquino na 200 na sa 3,300 drug user na sumuko sa Oplan Tokhang ang graduate na sa reformation center.
Bahagi lamang umano ito ng kabuuang 25,000 na nakakumpleto sa comprehensive rehabilitation program sa buong Central Luzon.
Bagaman mahihirapan umano ay tiniyak ni Aquino sa publiko na may mga plano ang PDEA para tuluyan nang tuldukan ang kalakaran ng droga sa bansa.
Ayon kay Aquino, sa ngayon ay apat na lalawigan pa lamang ang idineklara ng PDEA na drug-cleared: ang Batanes, Biliran, Bohol, at Southern Leyte.
-Fer Taboy