MAKAKUHA ng back-to-back wins at makatiwalag sa kinalalagyang 3-way tie sa liderato ang tatangkain ng PayMaya sa muli nilang pagsalang ngayong hapon sa Premier Volleyball League 2 Reinforced Conference.

Nakatakdang makasagupa ng High Flyers ang bumubulusok pababang Bangko Perlas, na matapos gulatin ang Creamline sa una nilang laban ay sumadsad sa sununod na apat nilang laro, pinakahuli sa kamay ng Balipure.

Magtutuos ngayong 4:00 ng hapon ang PayMaya at Bangko Perlas matapos ang unang women’s match sa pagitan ng Petrogazz at ng Iriga-Navy ganap na 2:00 ng hapon.

Bago ang bakbakan sa women’s division, magsasagupa sa nag-iisang men’s game ang PLDT at Army ganap na 10:00 ng umaga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Iginupo ng High Flyers sa nakaraan nilang laban ang Iriga-Navy upang makabalik sa winning track sa labang idinaos sa Batangas City kasunod ng pagputol ng Cool Smashers sa nasimulan nilang dalawang dikit na panalo.

“Hindi puwedeng magkumpiyansa, mas mahirap kalaban yung galing sa talo kasi walang ibang gusto yun kundi bumawi, “ wika ni PayMaya coach Roger Gorayeb.

Muling aasahan ni Gorayeb upang makahulagpos sa pagkakatabla nila ng Creamline at Balipure sa pangingibabaw at sa pagsungkit ng ikaapat nilang panalo sina imports Tess Rountree at Shelby Sullivan sampu ng locals na sina Aiko Urdas, Jerrili Malabanan, Celine Domingo, Grethcel Soltones, libero Lizlee Ann Pantone, at setter Jasmine Nabor.

Sa unang laban, sisikapin naman ng Petrogazz Angels na maitala ang unang back-to-back wins pagkaraang magwagi sa pang-apat nilang laro kontra Perlas Spikers habang magkukumahog namang bumangon ang Lady Oragons sa kabiguang nakamit sa kamay ng High Flyers upang makasalo ng Pocari -Air Force at Tacloban na kasalukuyang nasa ikalawang posisyon hawak ang patas na barahang 2-2, panalo-talo.

-Marivic Awitan