PINALITAN na ang pangulo ng Senado. Sa 15 boto ng mga kasapi, ipinalit si Vicente “Tito” Sotto III, na nakilala sa katatawanang TV program na ‘Eat Bulaga’, kay bar topnotcher Aquilino “Koko” Pimentel III. Hindi pinansin ni Pimentel ang puna ng ilang mga senador na kapwa niya nasa mayorya hinggil sa kanyang liderato na dahilan kung bakit siya pinalitan. Nasabi na lang niya na, “Ito ang aking istilo at personalidad. Pero, nais kong pasalamatan sila dahil nasikmura nila ako sa loob ng nakaraang 22 buwan.”
Pero, ilang oras bago siya palitan ni Sotto, malugod na pinasalamantan ng Malacañang si Pimentel sa pakikiisa nito sa Palasyo. Hindi nakapasa ang mga batas, kabilang na rito ang libreng tuition fee sa lahat ng state universities at colleges at libreng irrigation fee, kung hindi sa kanyang kooperasyon, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Ang hindi nagustuhan ng ilang senador sa mayorya hinggil sa liderato ni Pimentel ay ang kakulangan nito ng paninindigan sa batikos ni Speaker Pantaleon Alvarez sa Senado na marami nang batas ang naipasa sa Kamara na nakabitin sa Senado. Kaya, sa pag-upo ni Sotto, sinabi ni Alvarez na umaasa siya na mapapabilis ang pagpasa ng mga panukalang batas. Pero ano ba ang mga panukalang batas na naipit sa Senado, gayong pinasalamatan si Pimentel ng Palasyo sa kanyang pakikiisa sa pagpasa ng mga batas? Sa totoo lang, si Pimentel ay hindi dapat nasa posisyong tutulong at magpapabilis sa mga panukalang batas lalo na kung ito ay nagbubuhat sa Malacañang. Si Pementel ay cause-oriented na pulitiko. Ang kanyang prinsipyo at paninindigan ay ang PDP-Laban na ipinundar ng kanyang ama na naging senate president din. Nakasama ako ng kanyang ama, si Nene Pimentel, nang ipinangangaral at ikinakalat nito ang plataporma at programa ng partido. Pro-people ito. Nakabatay ito sa aral na natutuhan niya at ng taumbayan sa nakaraan nang ang bansa ay nalukob ng kadiliman. Matibay ang paninindigan ni Nene na hindi naapektuhan kahit ilang beses siyang ipiniit ng diktadurya. Sasalungat si Koko Pimentel sa ipinaglaban ng kanyang ama kung magpapatuloy siyang nasa posisyon na ang gagawin ay ayon sa gustong mangyari ni Speaker Alvarez.
Tingnan ninyo ang panukalang batas na nakalusot sa Senado sa ilalim ng pamumuno ni Koko. Sa pakikiisa niya sa administrasyon, naging batas ang libreng tuituion fee sa lahat ng state universities at colleges. Naging batas din ang libreng irrigation fee. Kung ang mga panukalang batas na nanggaling kay Speaker Alvarez ay ganito ang uri, hindi na kailangan ang batikos para makalusot ang mga ito kay Pimentel. Pero kung kagaya ng death penalty bill, mamomroblema si Alvarez kay Koko. Mahirap makasundo si Pimentel sa trabaho sa ganitong klaseng administrasyon.
Sinabi ni Sotto na sa kanyang pamamahala, ang Senado ay makikipagtulungan sa Palasyo sa mga panukalang batas na makabubuti sa bayan, ngunit ito ay magiging malaya. Kung ano ang ibig niyang sabihin dito ay ipinamalas niya sa kanyang aksiyon sa resolusyong ipinasa ng mayorya sa Senado na nananawagan sa Korte Suprema na repasuhin ang naging desisyon nito sa quo warranto petition laban kay CJ Sereno. Isa siya sa mga hindi lumagda rito. Malaya niyang ginawa ito, pero nakiisa siya sa Palasyo na nagmithing patalsikin ang Punong Mahistrado dahil ang desisyon ng SC na pinarerepaso ng mayorya Senado ay ganito rin ang iniutas. Totoo, nasa Nationalist People’s Coalition si Sotto, pero hindi ito ang dati niyang partido. Lumipat siya rito nang masikip na para sa kanya ang ticket ng Partido Liberal para sa senador. Si Koko ay nanatiling PDP-LABAN kahit sisinghap-singhap na ang partido noon.
-Ric Valmonte