PARA sa unang pambansang awtomatikong halalan na unang idinaos noong noong Mayo, 2010, inilabas noong Marso 22, 2010 ng Commission on Elections (Comelec), na pinamumunuan ni dating Chairman Jose A.R. Melo, ang Resolusyon 8804 na nagtatakda ng “Comelec Rules of Procedure on Disputes in an Automated Election System in Connection with the Mayo 10, 2010, elections.”
Sa ilalim ng Rule 15, “Recounts of Ballots”, isinasaad sa ikaanim na seksiyon (I): “In looking at the shades or marks used to register votes, the recounts committee shall bear in mind that the will of the voters reflected as votes in the ballots shall, as much as possible, be given effect, setting aside any technicalities. Furthermore, the votes thereon are presumed to have been made by the voter and shall be considered as such unless reasons exist that will justify their rejection. However marks or shades which are less than 50% of the oval shall not be considered as valid votes. Any issue as to whether certain a mark or shade is within the threshold shall be determined by feeding the ballot on the PCOS machine, and not by human determination.”
Ito ang halalang nagbigay sa atin ng isang Benigno S. Aquino III, bilang pangulo; at Jejomar Binay, bilang bise presidente. Isang protesta ang inihain ni Mar Roxas laban kay Binay ngunit hindi na ito umusad patungo sa aktuwal na muling pagbibilang.
Sa ikalawang awtomatikong pangpanguluhang halalan noong 2016, inihalal bilang presidente si Rodrigo Duterte at si Leni Robredo, bilang bise presidente. Naghain ng protesta si Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Robredo at ngayon ay umabot na ito sa aktuwal na muling pagbibilang ng mga boto sa pamumuno ng Presidential Electoral tribunal (PET).
Para sa halalan 2016, naglabas ang Comelec, na pinamumunuan ni Chairman Andres Bautista, ng isang bagong resolusyon sa en banc, noong Setyembre 6, 2016, na nagsasaad na ang muling bilangan ng boto para sa isang protesta ay nakabatay sa 25% na marka sa oval base sa bagong panuntunan.
Kaya naman, ginamit ng Comelec ang 25% marka para sa mga makina na ginamit upang bilangin ang balota noong 2016. Ngunit ang PET, na namumuno ng bilangan para sa protesta, ay nanatili sa resolusyon noong 2010 ng Comelec sa ilalim ni Chairman Melo, dahil wala itong opisyal na impormasyon sa 2016 resolution sa ilalim ni Chairman Bautista.
Ito sa ngayon ang pinag-uugatan ng nangyayaring kontrobersiya sa protesta ni Marcos laban kay Robredo. Ginamit ng Comelec ang resolusyon noong 2016 para sa 25% marka, habang nanatili ang PET sa paggamit ng panuntunan noong 2010 na 50% marka.
Tinukoy sa orihinal na resolusyon ang 50% pagmamarka bilang panuntunan, bagamat nakasaad din dito na, “the will of the voters shal, as much as possible, be given be effect, setting aside any technicalities.” At naririyan din ang resolusyon noong 2016, na tila hindi nalalaman ng PET.
Ilang lugar ang naghihinala sa masamang motibo ng rebisyon ng porsiyento. Dapat isantabi ang mga hinaing ito katabi ng mga punto. Ang PET, na ang mga miyembro ay mga hukom ng Supreme Court, ay nararapat lamang magpasya base sa mga inilatag na katotohanan na walang bahid ng motibong pampulitika.