Iginiit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. na taliwas sa sinasabi ng ilang grupo, nagpapasalamat pa nga ang karamihan ng mga taga-Mindanao sa ipinaiiral na batas militar sa rehiyon ngayon.

Ayon kay Galvez, may iba pa ngang nais na manatili na lang ang martial law sa Mindanao “forever”.

“So nakikita natin in Mindanao, martial law is being appreciated. Ang iba nga sabi nga nila ‘gusto namin martial law forever na rito sa Mindanao’,” sabi ni Galvez.

Paliwanag ni Galvez, ikinatutuwa ng mga taga-Mindanao ang pagpapatupad ng batas militar dahil masasamang loob at mga armadong grupo naman ang target nito, at hindi ang mga inosente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Dahil kasi nakita nila na ang martial law is being implemented against lawless elements. Kung ikaw ay peace-loving people, mas favorable at comfortable ka sa martial law,” ani Galvez, iginiit na mahalaga ang batas militar upang maiwasan ang isa pang pag-atake ng mga terorista, gaya ng nangyari sa Marawi City noong nakaraang taon.

“If we were able to get 6,000 firearms, that’s only I believe 10 percent. We need to get all the 80 to 90 percent of the firearms so that we will remove the possibility of using this for lawlessness and criminalities,” sabi ni Galvez.

Sinabi rin ng tubong Mindanao na si AFP Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato na masaya at kuntento siya at ang kanyang mga kaanak sa pagpapatupad ng martial law sa rehiyon.

“I am also from Mindanao and all of my relatives are happy with the implementation of martial law. There are no rallies in Mindanao against martial law,” sabi ni Col. Detoyato. “Kung meron man, they don’t represent the majority of the Mindanaons. We support the martial law because it makes our mission accomplishment efficient and faster.”

Matatandaang pinalawig hanggang Disyembre 31, 2018 ang martial law, na idineklara ilang oras makaraang salakayin ng Maute-ISIS ang Marawi noong Mayo 23, 2018, na sinundan ng limang-buwang digmaan.

-Francis T. Wakefield