Malabo pa ring lususot sa Senado ang panukalang gawing legal ang diborsiyo sa Pilipinas sa kabila ng pagbabago sa liderato nito.

Patuloy na naninidigan si Senate President Vicente Sotto III na malabong ipapasa ng Mataas na Kapulungan ang panukala sa absolute divorce, lalo na’t hindi pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala.

“Let’s put it this way, let’s be practical. The President is not in favor, the House passed a divorce law. Even if the Senate passes a divorce law, the President might veto it, and most probably will veto,” ani Sotto sa panayam ng ANC kahapon.

Kilala si Sotto, debotong Katoliko, sa kanyang konserbatibong pananaw sa kasal at pamilya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Yes,” diin niyang muli nang tanungin kung tutol siya sa diborsiyo.

Idinagdag ni Sotto na ang pag-apruba dito ay labag sa Constitution.

“Someone may bring it to Supreme Court, and declare it unconstitutional. Because if you look at the Constitution, I think it is very clear that family is important and you cannot legislate divorce,” aniya.

Nakasaad sa Article 15 ng 1987 Constitution na kinikilala ang “Filipino family as the foundation of the nation.”

Nakasaad din dito ang “Marriage, as an inviolable social institution, is the foundation of the family and shall be protected by the State.”

Sinabi ni Sotto na mas susuportahan pa ng mga senador ang pag-aamyenda sa kasalukuyang batas sa annulment of marriage at mga karagdagan batayan para sa separation upang mas mapadali at maging episyente ito.

Nitong Abril nagpahayag si Pangulong Duterte ng pagtutol sa divorce sa harap ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pangunahing nagsusulong ng panukala. Ipinasa ng Kamara ang panukalang batas sa absolute divorce noong Marso

-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA