PINAG-UUSAPAN ngayon ang resbakers sa “Tawag ng Tanghalan” na magagaling naman talaga. Bukambibig sila ng mga sumusubaybay. Pero sa likod ng produksiyon ay may mga narinig kaming hindi kagandahang kuwento.
Tatlong contestants na hindi namin siyempre puwedeng banggitin ang nagrereklamo na ang staff pala ng “TNT” ang namimili ng kakantahin nila.
Ang nagkakaisang kuwento ng tatlo contestants: “’Yun pong mga napili naming kanta, hindi iyon ang pinakakanta sa amin, iba pa po, mas bagay daw sa boses namin. Pero pagdating naman po sa mga hurado, makakarinig kami na maling kanta ang napili namin at hindi bagay sa boses namin. Kaya nakakalito po, ano ba dapat?”
Sabi ni Contestant A: “Napigilan ko lang po ang sarili ko kasi nu’ng sinabi po ni _____ (hurado) na hindi bagay sa boses ko ‘yung kinanta ko, na sana pumili ako ng iba, gusto ko po sana sumagot ng, ‘Hindi naman po ito ang pinili ko, ‘yung staff. ‘Di po ba nakakainis ‘yun? ‘Tapos may favoritism pa po... kasi ‘yung ibang contestant pinapayagang kantahin nila ‘yung gusto nila ‘tapos sila po ang nanalo. Kaya hindi ko po alam kung ano ‘yun.”
Ikinuwento namin ito sa manager ng kilalang singers para makakuha ng ibang opinyon tungkol sa nangyayari.
“Sa bawat singing contest may ganyan talaga na pinapapalitan ‘yung kanta na sa tingin nila mas bagay sa boses, pero ‘yung sa kuwento mo tungkol sa ‘Tawag ng Tanghalan,’ wala akong ideya.”
Hirit namin, ‘tapos magko-comment ang mga hurado ng hindi bagay ang kanta, eh, hindi nila alam hindi naman nila kagustuhan iyon.’
“Siguro sa mga hurado, huwag na lang mag-comment ng ganu’n kasi nga baka may contestant na malakas ang loob na magsabing hindi sila ang pumili ng kanta kundi ‘yung staff.”
Kaya sa mga hurado ng TNT, umpisahan ninyo muna kung ang contestant ang pumili ng kinanta nila para malaman ninyo ang totoo kasi masakit nga naman sa loob ‘yung magko-comment kayo tapos hindi naman pala nila iyon ang kantang gusto nilang kantahin.
–Reggee Bonoan