SA kasaysayan ng Marawi City, hindi malilimot ang ika-23 ng Mayo, 2017 sapagkat sa nasabing araw ito inatake ng mga teroristang Maute IS Islamic jihadist group. Ang nasabing pag-atake ay naging dahilan ng limang buwang digmaan. Nadurog ang pangarap ng mga kapatid nating Muslim sa Marawi City tulad ng pagkasira ng mga gusali, bahay, mosque, business establishment at paaralan dahil sa air strike. Umabot sa 24 na barangay ang napinsala ng digmaan. Ang pag-atake ng Maute ISIS ay hindi natunugan ng Intelligence group ng Armed Forces of the Philippines. Nasorpresa ang militar.
Sa nasabing pangyayari, minaliit ng militar, pulisya at maging ang lokal na pamahalaan ang lakas ng grupong pinaghihinalaang mga kriminal na pinangungunahan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute na ang gawain ay nakasentro sa Butig, Lanao del Sur.
Ang pag-atake ng Maute ISIS jihadist group ay nangyari habang nasa state visit si Pangulong Duterte sa Russia, kasama ang ilan sa kanyang cabinet members at matataas na opisyal ng militar at pulisya. Bunga nito, kahit nasa Russia, nagdeklara ang Pangulo ng marial law at sinuspinde ang writ of habeas corpus sa Mindanao. Pinutol ang state visit sa Russia at naging mabilis ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Araw-araw ang bakbakan ng Maute ISIS jihadist group at ng mga tauhan ng militar at ng pulisya. Tumulong at naging kaagapay sa pakikipaglaban ang mga Scout Rangers, Special Farces, Marines at ang pangkat ng mga infantry battalion ng Army kahit marami rito ay hindi sinanay sa urban warfare.
Ang mga mamamayan ng Marawi City na naapektuhan ng digmaan ay inilipat sa mga evacuation center. Ang iba’y nakituloy sa kani-kanilang kamag-anak sa karatig na siyudad. Makalipas ang limang buwang labanan ay napatay ang magkapatid na Omar atAbdullah Maute at ibang lider ng ISIS jihadist group. Noong Oktubre 23, 2017, idineklara ni Pangulong Duterte ang liberation ng Marawi City. Ang digmaan ay nagbunga ng kamatayan ng 165 miyembro ng ating armed forces. Mahigit libo ang bilang ng napatay na tauhan ng Maute ISIS jihadist group. Nasa 1,700 naman ng mga kawal ng pamahalaan ang nasugatan. Ang ating mga kawal ay nagpamalas ng kanilang tapang at kagitingan sa pakikipaglaban.
Ginunita nitong Mayo 23, 2018 ang unang anibersaryo ng Marawi City siege. Sa Libingan ng mga Bayani, inalayan ng mga bulaklak ang puntod ng mga sundalo at pulis na nakipagbakbakan sa Marawi City. Marami naman sa mga kapatid nating Muslim ang hindi napigilan lumuha sa paggunita. Makalipas ang isang taon, tinatayang nasa 230,000 residente ang na-displaced. Patuloy na sumisilong sa mga evacuation center.
Sa paggunita, hindi dumalo si Pangulong Duterte at nanatili sa Malacañang. Paliwanag ni Presidential Assistant Bong Go, walang nakitang dahilan ang Pangulo upang gunitain ang paglusob ng Maute ISIS group. Ngunit tiniyak nito na pupunta si Pangulong Duterte sa Marawi City sa unang anibersaryo ng Liberation ng Marawi City sa Oktubre 23, 2018.
Ayon naman sa Task Force Marawi, sa pangunguna ng chairman nito na si Eduardo del Rosario, ginagawa nila ang lahat upang mapabilis ang pagbangon ng Marawi City.
Ayon naman sa pinuno ng International Committee of the Red Cross (ICRC) delegation sa Pilipinas, ang daan libong mamamayan ng Marawi ay nananatiling apektado ng nasabing digmaan. Nanawagan sa pamahalaan ng puspusang pagkilos upang maibangon ang Marawi.
-Clemen Bautista