Siyam na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pinatawan ng suspensiyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y maling paggamit sa P27 milyon halaga ng cash advances.

Pinatawan ng anim na buwang preventive suspension sina Commander Romeo Liwanag Jr., Commander Tito Alvin Andal, Commodore Joselito Dela Cruz, Commander Christine Pauline Diciano, LCDR. Fatima Aleli Angeles, Captain Juancho Marano, Commodore Athelo Ybañez, Captain Julius Caesar Victor Marvin Lim, at Captain Teotimo Borja Jr..

Kapo-promote lang kay Ybañez para maging Rear Admiral, habang umangat naman bilang Commodore si Borja.

Nag-ugat ang kaso sa fact-finding investigation ng Special Team of Investigators ng Field Investigation Bureau (FIB)-Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Officers (MOLEO).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinutukan ng pagsisiyasat ang liquidation reports ng ilang cash advances na may kabuuang halaga na P27,059,817.50 simula 2013 hanggang 2016, para sa 11 magkakaibang Special Disbursing Officers (SDOs).

Gayunman, iginiit ng mga imbestigador ng Ombudsman na ang nasabing liquidation ay “marked with irregularities” sa hindi pagtalima sa mga patakaran sa grant at paggamit at liquidation ng cash advances, at kabiguang magsagawa ng public bidding sa pagbili ng gamit para sa pamahalaan.

Batay sa mga nadiskubre sa imbestigasyon, kinasuhan ng FIB-MOLEO ang siyam na opisyal ng Grave Misconduct, Serious Dishonesty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.

-Czarina Nicole O. Ong