ILANG araw na lamang at mararamdaman na natin ang pagpasok ng tag-ulan o “wet season” na nag-uumpisa sa buwan ng Hunyo at nagtatapos sa pagpasok ng Nobyembre, na siyang simula naman ng tag-init o “dry season”, na nakagawian nang tawaging “Summer” ng marami nating kababayan, kahit na paulit-ulit ang paalala ng weather bureau na walang “Summer” sa Pilipinas!
Totoo – wala talagang “Summer” sa ating bansa. Kung meron, dapat ini-enjoy rin natin ang “Winter”, “Spring”, at “Fall” – ang tatlong panahon na ka-partner ng “Summer” na dinaranas taun-taon sa mga bansang gaya ng nasa Amerika.
At siyempre, dahil sa tag-ulan na naman, dapat handa tayo sa paglusong sa baha sa mga lugar na madalas nating puntahan dito sa Metro Manila, na lumulubog agad sa tubig sa loob lamang ng ilang minutong malakas na buhos ng ulan.
Kapag malakas ang buhos ng ulan, umaagos agad ang tubig sa mga estero na dumadaloy naman sa mga ilog hanggang makalabas ng Manila Bay. Kapag sobrang lakas ng ulan, umaapaw ang mga estero at ilog, at dahil halos ilang pulgada lamang ang taas ng mga lugar na ito sa water level ng Manila Bay, bumabalik ang tubig at sa mga kalsada muna pumopondo – ito ang baha, BOW!
Ibang klase kasi bumira ng trabaho -- ang mga nasa Department of Public Works & Highways (DPWH) at sa mga local na tanggapan ng pamahalaan -- kaya sa halip na mabawasan ang mga binabahang lugar, lalo na rito sa Metro Manila, nadagdagan pa ito.
Natatandaan ko kasi noong Dekada ‘60 ay may 10 mga kilalang lugar kaming dinarayo kapag umuulan ng malakas upang magtampisaw sa baha. Sa record ngayon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay may 22 na pala ang mga binabahang lugar, kasama pa rin dito ‘yong mga pinupuntahan namin noon na ang nabago lamang ay mga pangalan!
Ang mga lugar na nadagdag ay nagsimulang bahain matapos ang mga magkakasunod na konstruksiyon ng overpass, underpass, skyway, nagtataasang condominium, naglalakihang mall at malalawak na subdibisyon sa paligid ng mga ito sa buong Metro Manila.
At ang pangunahing dahilan ng pagbaha ay ang parang MAGIC na pagkawala ng mga naglalakihang estero sa buong Metro Manila na karamihan ay natayuan ng mga gusali, ginawang subdibisyon, niliitan at karamihan ay bumabaw dahil sa basurang walang habas kung itapon ng mga nakatira sa paligid.
Ang mga makasaysayang estero na natitira, lalo na ‘yong mga nasa Maynila, nakaiiyak ang hitsura – umaalingasaw, nagbuburak sa basura at kumitid sa dami ng bahay-bahayan sa gilid na siyang bumabara sa daloy ng tubig patungo sa Ilog Pasig.
Kaya nga kapag papasok na ang panahong tulad nito, ‘di ko mapigilan na matawa at mapalatak nang paulit-ulit kapag nababasa at naririnig ko ang mga pinuno ng MMDA, DPWH at mga local na pamahalaan na nagpapa-pogi at sinasabing iniutos na raw nila na “clear the waterways” upang mapabilis, kundi man tuluyang mapigil, ang paghupa ng baha sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sige nga, hanapin muna ninyo ang dating kinalalagyan ng mga makasaysayang estero sa pusod ng
Maynila, gaya ng Canal de Balete, Estero De Bilibid, at Estero de San Miguel, at umpisahan na ninyo ang paggiba sa mga istrakturang nasa ibabaw nito ngayon, kabilang na rito ang ilang kalsada, paaralan, pribadong gusali, mall, opisina ng gobyerno, palengke, basketball court – ano, kaya ba talaga ng mga powers ninyo?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.