Sinabi ng Malacañang na hinihintay na lamang ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na makabuo ang dalawang kapulungan ng Kongreso ang iisang bersiyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) para malagdaan ito bilang batas sa susunod na linggo.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing sa Marawi City kahapon ng umaga.

Idinagdag ng opisyal ng Palasyo na magkapareho na ang bersiyon ng BBL ng Senate at ng House of Representatives at inaasahang maipasa na ito sa susunod na linggo nang hindi na dumaan sa bicameral conference committee, o bicam.

“Pareho na silang version. Ang sabi ko lang is ‘pag na-certify kasi, ang inaasahan ng Malacañang, pareho na ‘yung version para both chambers can approve the bill in the same day on the second and third reading, and para wala ng bicam, pareho naman sila. Para mabilis,” ani Roque.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Sinabi niya na handa na ang Pangulo na pirmahan ang BBL sa petsang ipinangako ng Kongreso, bago matapos ang buwan.

“Certainly po. Hindi po sila magri-recess hangga’t hindi maaprubahan ang BBL, ‘yan po ang pangako,” ani Roque.

Naniniwala si Roque na katanggap-tanggap sa lahat ng stakeholders ang bagong bersiyon ng BBL.

Sinabi niya na kinonsulta ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), at mga Lumad.

“Ang alam ko po buong-buo naman ang suporta ng MILF. At sa unang pagkakataon, ito po ay BBL na all-inclusive, pati po mga Lumad ay kinonsulta. Member din po sila ng BTC (Bangsamoro Transition Commission) unlike ‘yung ibang bersiyon ng BBL na parang nakalimutan ang mga lumad,” aniya.

“Acceptable po ang bersiyon ng BBL na ito sa kaparehong MILF at MNLF,” dagdag niya.

PRIVATE ARMY

Samantala, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na lilikha ng mga private army ang BBL kung hindi aalisin ng Kongresso ang probisyon na naglalagay sa lokal na pulis at militar sa kontrol ng Chief Minister.

Ito ang katwiran ni Albayalde sa pagtutol sa naturang probisyon ng BBL.

Idiniin niya na kung isasailalim ang PNP at AFP sa Bangsamoro leaders, nanganganib na mapopolitika ang mga ito at magiging parang isang malaking private armed group ang pulis at militar sa lugar na hindi kontrolado ng Commander-in- Chief.

Mungkahi ni Albayalde, panatilihin ang sistema ng PNP at AFP at magtatayo ng regional office sa Bangsamoro region na hindi kontrolado ng mga pulitiko.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at FER TABOY