MALAKI ang paniniwala ni Filipino boxer Rimar Metuda na dapat siyang nanalo nang hamunin ang Hapones na si Nirito Arakawa para sa WBO Asia-Pacific lightweight belt ngunit nagtabla sila nitong Sabado ng gabi sa Ota-City General Gymnasium sa Japan.

Idineklarang 12-round majority draw ang sagupaan nina Metuda at Arakawa sa mga iskor na 114-114, 114-114 at 116-112 pero naniniwala ang maraming nakasaksi sa laban na ang Pinoy boxer ang nanalo sa sagupaang undercard ng pag-agaw ni Hekkie Budler ng South Africa sa WBA at IBF light flyweight titles ng dating kampeong si Ryoichi Taguchi ng Japan.

“I won the fight. I got robbed. I want rematch. I thought I did enough to win the fight,” sabi ni Metuda sa Philboxing.com.

Malaki ang mawawala kay Arakawa kung natalo kay Metuda dahil nakalista siyang No. 2 contender kay WBO 135 pounds champion Ray Beltran ng Mexico at ranked No. 13 kay bagong WBA lightweight titlist Vasyl Lomachenco ng Ukraine.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Tulad ni Metuda naniniwala ang big boss ng Sanman Promotions na si Jim Claude “JC” Manangquil na si Metuda ang dapat idineklarang nagwagi sa sagupaan.

“Metuda did really well in the fight. I thought he won the fight,” sabi ni Manangquil na hihiling ng rematch ng dalawang boksingero.“We will try to get a rematch with Arakawa.”

Napaganda ni Arakawa ang kanyang rekord sa 31-6-2 na may 18 panalo sa knockouts samantalang may kartada ngayon si Metuda na 12-3-1 win-loss-draw na may 7 panalo sa knockouts.

-Gilbert Espeña