Hinamon kahapon ng Malacañang ang mga grupong nag-aakusa sa militar ng pag-abuso umano sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao, na maglabas ng ebidensiya upang patunayan ang kanilang mga bintang.
Umalma si Presidential Spokesman Harry Roque sa nasabing alegasyon at sinabing hindi makatwirang akusahan ang mga sundalo na nagsakripisyo ng kanilang buhay upang labanan ang mga terorista at iba pang banta sa seguridad ng bansa.
“Kinikilala natin ang pagiging bayani ng ating mga kasundaluhan. Binibigyan natin sila ng presumption of good faith,” pahayag ni Roque nang dumalo ito sa press conference sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ilang grupo, aniya, ang nananawagan na alisin na ang batas-militar sa Mindanao dahil nilalabag lamang umano nito ang karapatang-pantao ng mga residente sa lugar.
“Nasa accusers o ‘yung nagrereklamo ‘yung burden of evidence, burden of proof. Nasaan ang ebidensiya ninyo, otherwise tumahimik na lang kayom, dahil hindi naman kayo ang nagpapakamatay para sa inang-bayan,” hamon ni Roque.
Nauna nang naiulat na hindi inilalabas sa publiko ang pang-aabuso umano ng militar sa implementasyon ng martial law dahil na rin sa pangambang baka gantihan lamang sila ng mga ito.
“Nasaan ang reklamo?’ Yung mga parehong grupo na nagsasabi ng naraming paglabag, hindi naman nagpa-file ng reklamo. Ilabas nila saan ang mga reklamong ‘yan at patunayan nila kung mayroong reklamo, ay binalewala ng hukbong sandatahan,” sabi pa ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na paiiralin nila ang professionalism ng militar dahil sa ipinaiiral na mekanismo sa pagresolba sa mga reklamo laban sa mga sundalo.
-Genalyn D. Kabiling