TALAGA namang napakamalas na sumabay ang implementasyon ng ating bagong repormang batas ukol sa buwis—ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) – sa pagtanggi ng Pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump sa 2015 nuclear arms control deal sa Iran at ang pagbabanta nito ng panibagong parusa sa ekonomiya ng nasabing bansa kung hindi nito ititigil ang programang nukleyar at aatras sa nangyayaring digmaan sa Syria.
Matapos ilabas ng Estados Unidos ng mga kahilingan nito nitong Lunes, ang pangamba ng malaking pagbagsak sa langis na iniluluwas ng Iran ay nagdulot ng pagsirit sa presyo ng langis sa buong mundo. Pumalo sa $80.50 ang global benchmark ng kada bariles, ang pinakamataas simula noong Nobyembre 2014, ngunit humupa rin ito matapos ianunsiyo ng iba pang bansa na gumagawa ng langis na kabilang sa Organization of Petroleum-Exporting Countries (OPEC) na maaari nilang itaas ang kanilang produksiyon sa Hunyo kung magpapatuloy ito. Subalit pinangangambahan pa ring magpapatuloy ang pag-angat ng presyo sa mga susunod na buwan, na marahil ay aabot sa $100 na lebel noong 2012.
Nitong Mayo 15, kasunod ng inisyal na pangamba sa pag-alis ng US sa kasunduan nito sa Iran, nag-anunsiyo ng malaking dagdag presyo ang mga kumpanya ng langis sa Pilipinas—P1.20 kada litro sa diesel, P1.10 para sa gasoline, at P0.95 para sa kerosene. Makalipas ang isang linggo, nitong lamang Mayo 21, muling nagpatupad ng malaking pagtataas ng presyo sa langis— P P1.15 para sa diesel, P1.60 para sa gasolina, at P1 para sa kerosene.
Sa kasamaang-palad, sumabay ito sa pagpapatupad ng bagong TRAIN law na nagtaas sa excise tax sa diesel, na agad na nakaapekto sa gastos ng transportasyon ng mga produkto sa mga pamilihan. Kaagad ding nagtaas ng presyo ang mga tindahan ng kanilang mga presyo—ang isang lata ng sardinas na dating P12 ay P16 na ngayon.
Humihiling din ngayon ang mga tsuper at operator ng mga jeep sa Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng pagtataas ng pamasahe mula sa P8 patungong P10, gayundin ang pisong dagdag para sa “surge fee”, na kahalintulad ng ipinapataw ng mga sasakyan ng GRAB tuwing oras na siksikan ang kalye.
At ang pagtaas ng presyo at iba pang gastusin ay maaaring simula lamang.
Bilang tugon sa lumalakas na panawagan sa pansamantalang pagsuspinde sa pagpapatupad ng mga bagong buwis ng TRAIN law, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na handa ang pamahalaan na ipatigil ang koleksyon ng excise tax sa gasolina kung ang pandaigdigang presyo—na ngayon ay nasa $79.35 para Brent na krudo at $74.45 para sa krudo ng Dubai – ay aabot ng $80, na itinakda mismo ng TRAIN law.
Nakikita natin ang katiyakan sa mga salitang binitiwan ng tagapagsalita ng Malacañang, sa kabila ng paninindigan ng ilang mga opisyal na hindi maaaring ipatigil ang pagpapatupad ng TRAIN dahil sisirain umano nito ang buong programa ng pamahalaan at sa mga susunod pang taon, partikular ang maambisyong programa na “Build, Build, Build.”
Nakasalalay sa mga Pilipino ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa. Ngunit dulot ng mga hindi inaasahang pangyayari, tulad ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis dahil sa sigalot ng US at Iran, kailangang maging handa tayo sa mga kakailanganing pagbabago para sa mga mamamayan, lalo’t higit sa mga nasa mahihirap na sektor na matinding tatamaan ng pagtaas ng mga presyo.