Kasunod ng nalalapit na pagbabalik-eskuwela sa Hunyo 4, pinayuhan ng watch group on toxic chemical products and wastes ang publiko na mag-ingat laban sa pagbili ng school supplies na may nakalalasong cadmium at lead.

Ito ang iginiit ng EcoWaste Coalition matapos nitong matuklasan na maaaring makasama sa kalusugan ng mga estudyante ang ilang school supplies na ipinagbibili sa merkado ngayon, dahil sa nakalalasong kemikal na taglay ng mga ito.

Ayon sa EcoWaste Coalition, nakabili sila ng ilang school supplies sa Maynila na nang kanilang suriin ay may mataas na antas ng lead at cadmium, na maaaring makasama sa kalusugan ng mga bata.

Kabilang dito ang Artex Fine Water Colors (yellow cake), MPC Classique Water Colors (yellow cake), at Fairyland Crayons (orange stick), na natukoy na may 22,300, 5,500 at 200 parts per million (ppm) ng lead, na lampas sa 90 ppm regulatory limit.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang mga naturang produkto ay matagal na umanong ipinagbabawal ng Food and Drugs Administration (FDA) na ipagbili, ngunit ibinebenta pa rin sa mga pamilihan.

Ang McQueen backpack at “Ben 10” polyvinyl chloride (PVC) raincoat naman ay may taglay rin na 500 at 190 ppm ng lead, habang ang mga backpack na may “Frozen” at “Hello Kitty” characters ay nagpositibo sa cadmium, na umabot sa 970 at 780 ppm, o lampas sa regulatory limit na 95 ppm lamang.

Ang “Ben 10” PVC raincoat na may lead, ay nabatid na mayroon ding halong 370 ppm ng cadmium.

Dahil dito, umapela ang EcoWaste sa mga kinauukulan na kaagad na alisin sa merkado ang mga naturang nakalalasong school supplies upang hindi malantad ang mga estudyante sa mga ito.

-Mary Ann Santiago