NAGTAAS na naman ang mga dambuhalang kumpanya ng langis ng presyo ng kanilang produktong petrolyo. Sa gasolina, P1.60 bawat litro, sa diesel, P1.15 at P6.10, sa liquified petrolium gas. Dahil dito, naiulat na ang presyo ng gasolina sa Palawan ay pumalo na sa P70 kada litro. Nagpetisyon na ang iba’t ibang samahan ng mga tsuper para sa karagdagang singil sa pamasahe. Ang Light Railway Transit (LRT), na nasa pribadong kamay na pala ang pamamahala, ay sumabay na rin sa pagsampa ng kahilingan na makasingil ng karagdagang pamasahe. Karagdagang singil din ang nakaamba nang kubrahin ng Meralco.

Hindi kaya napupuna ni Pangulong Duterte na hinihigpitan na ang lubid sa kanyang leeg. Ang lubid na ito ay ang Oil Deregulation Law na likha mismo ng ating mga lider. Ito ang nagbibigay ng laya sa mga banyagang kumpanya ng langis sa pagpepresyo ng kanilang produkto.

Kaya, wala na umanong magagawa ang Energy Regulatory Board, sa kahilingang dito na kontrolin ang presyo ng produktong petrolyo, dahil sa nasabing batas.

Binabatikos ng Amerika ang tinatawag nitong patuloy na militarisasyon ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea. Nababahala na ang Amerika sa ginawa kamakailan ng People’s Liberation Army Air Force na maglagpag ng mga long-range bomber sa unang pagkakataon sa lugar. May 3,520 combat radius ang mga nasabing long-range bomber na kayang pasabugin ang kabuuan ng Southeast Asia mula sa Woody Island. “Nasa tipping point ang kontrol ng China sa South China Sea,” wika ni Adm. Phil. Davidson, ang bagong pinuno ng U.S. Pacific Command. Magagamit na, aniya, ito para hamunin ang presensiya ng Amerika sa rehiyon at madaig ang military forces na iba pang umaangkin sa South China Sea.

Pero, ano ang posisyon ng Pangulo sa ginagawa ng China? “Ang igiit ang soverenia ng Pilipinas sa West Philippine Sea na 370 radius kilometer exclusive economic zone sa South China Sea ay nangangahulugan ng gulo na hindi kaya ng mga Pilipino,” sabi niya. Kaya, sa Kano, naging posible ang ginagawa ng China, lalo na ang militarisasyon sa West Philippine Sea ay dahil hinahayaan o kinukunsinti ito ng Pangulo.

Hindi na niya ipinaglaban ang napanalunan ng bansa sa Permanent Court of Arbitration sa Hague na nagpasyang walang karapatan dito ang China. Hindi naman kailangang makipagdigmaan ka sa China. Ang makiisa sa mga bansang umaangkin din sa lugar o kahit hindi umaangkin, pero may interes ang mga ito para sa freedom of navigation, sa paggawa ng matinding pagtutol sa ginagawa ng China ay sapat na. Malaking bagay ang world opinion.

Sa ilalim ng Oil Deregulation Law mula nang maging epektibo ito, pinakamalaki na ang itinaas ngayon ng mga kumpanya ng langis sa presyo ng kanilang produkto. Itataas pa nila ito. Isa sa mga paraan ito para lalong ma-destabilize ang administrasyong Duterte. Kasi, patitindihin ng mataas na presyo ng petrolyo ang kagutuman at kahirapan. Tataas ang presyo ng mga bilihin at pangunahing pangangailangan. Ang mangyayari ay itong sinabi ng tsuper na nakapanayam ko tungkol sa epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo: “Wala na akong maiuwing kita sa aking pamilya, sasama na lang ako sa mga nagpoprotesta”.

-Ric Valmonte