Inaresto ng awtoridad ang umano’y hitman na kinikilalang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang police officer na nakatalaga sa Camp Crame at pagsugat sa isa pa sa Antipolo City, Rizal kamakailan, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Inaresto ng Antipolo police si Crispin Corpin, nasa hustong gulang, ng Barangay Dela Paz, Antipolo City sa follow up operation sa Barangay San Isidro dalawang araw matapos ang pagpatay kay Police Officer 3 Don Carlo Mangui nitong Linggo, ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde sa isang press briefing sa Camp Crame.
Ayon kay Albayalde, ang 32- anyos na parak ay pinatay ng tatlong armado sa tapat ng kanyang bahay sa Bg.y Dela Paz habang umiinom ng alak kasama ang mga kaibigan, dakong 1:45 ng madaling araw. Ang pinatay na parak ay ballistician sa Camp Crame Crime Laboratory sa loob ng pitong taon, dagdag niya.
Mabilis na tumakas si Corpin at ang dalawa niyang kasabwat, sina Archie Casas alyas Jovan at Alvin Dolim, patungo sa Padilla Street at pagsapit sa Marcos Highway, pinaputukan ang dalawang motocycle rider, sina Crist Baquiran at Abraham Canlapan. Tinamaan ng bala si Baquiran sa pisngi ngunit nakaligtas sa atake.
Sinabi ni Albayalde na posibleng inisip ng mga suspek na nasaksihan nina Baquiran at Canlapan ang insidente kaya pinatay nila ang mga ito.
Ayon pa kay Albayalde, labas-pasok si Corpin sa kulungan dahil sa magkakaibang kaso kabilang ang dalawang taong pagkakakulong dahil sa trespassing at anim na taon sa homicide.
-MARTIN A. SADONGDONG at FER TABOY