Sinibak sa puwesto ang isang pulis-Caloocan matapos matakasan ng isang preso sa District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) sa Caloocan City, nitong Sabado ng umaga.
Under investigation ngayon si PO3 Ernesto Estrella matapos itong tanggalin muna sa dati nitong puwesto sa DSOU nang tumakas isa sa binabantayan nitong bilanggo na si Leonardo Retiro, isang out of school youth, ng Dulong Herrera St., Barangay San Agustin ng nasabing lungsod.
Hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon, hindi muna makababalik sa puwesto si Estrella, ayon sa NPD.
Nitong Sabado dakong 9:30 ng umaga, habang naka-duty si Estrella sa pagbabantay sa mga preso sa DSOU sa Langaray, Barangay Dagat- Dagatan, Caloocan City, dumaing si Retiro ng pananakit ng tiyan.
Dahil hinihintay pa ang ibang kasamahang pulis upang maisugod sa ospital si Retiro, ipinasya muna ni Estrella na ilabas ito ng detention cell at pinaupo sa lobby ng police station.
Humihingi aniya ng tubig na maiinom si Retiro na at nang bumalik ang pulis sa lugar ay laking-gulat nito nang hindi na makita si Retiro na tuluyan nang tumakas.
Si Retiro ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) matapos madakip ng pulisya sa kanilang lugar dahil sa droga.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang NPD lababn kay Retiro.
-Orly L. Barcala