BAGUIO CITY – Hindi isinasantabi ng awtoridad ang posibilidad na “inside job” ang pagtangay ng mga suspek, na pawang nakasuot ng bonnet, sa P2.7 milyon na pay out para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Tinoc, Ifugao, nitong Martes ng madaling araw.

Nabatid na ini-report nina Marlon Padolnaton Guimangad, Chester Bulayo Guazon at Jeffrey Humiwat Buhyag sa Kiangan Municipal Police Station ang panghoholdap sa kanila ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa may Sitio Indalmogan, Barangay Julongan, Kiangan, Ifugao, dakong 2:10 ng madaling araw.

Sa salaysay ng mga biktima, nakalagay sa itim na backpack ang pera at bitbit ni Guazon bago sila sumakay ni Buhyag sa motorsiklo at si Guimangad naman sa isa pang motorsiklo.

Habang nasa daan ay hinarang umano sila ng tatlong armado, tinutukan ng flashlight ang kani-kanilang mukha, bago nagdeklara ng holdap.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tinangay ng mga suspek bag na kinalalagyan ng pera, bago tumakas patungo sa Proper, Julongan, Kiangan, Ifugao.

Patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.

-Rizaldy Comanda