Pinawi kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang pangamba ng pagkakaroon umano ng mga teroristang grupo ng sleeper cells sa Metro Manila at sa iba pang panig ng Luzon.

Sinabi ni Albayalde na tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa militar at sa iba pang intelligence unit ng gobyerno upang matugunan ang lahat ng posibleng banta ng pambobomba at iba pang pag-atake sa bansa, partikular na sa Metro Manila.

“We focus on intensifying intelligence-gathering and that is the reason why there are several people who were already arrested here in the National Capital Region,” ani Albayalde.

Tinukoy ni Albayalde ang pagkakaaresto sa ilang terorista sa Metro Manila—mula sa mga kasapi ng Abu Sayyaf Group hanggang sa mga miyembro ng Maute Group—na ang pinakahuli ay ang miyembro ng Maute ISIS na si Unday Macadato, na dinakip sa Cubao, Quezon City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“These are but indications that we have good partnership with the Armed Forces of the Philippines (AFP),” sabi ni Albayalde.

Una nang sinabi ni Philippine Army chief Lt. Gen. Rolando Bautista na mayroong sleeper cells ang international terror group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Visayas at Luzon.

Gayunman, sinabi ni Albayalde na hindi dapat na mangamba ang publiko dahil kapwa nagpupursige ang PNP at AFP upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang alinmang grupong terorista na magsagawa ng mga pag-atake sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa Visayas at Luzon.

Ayon kay Albayalde, sakaling mayroon ngang mga terorista sa Metro Manila, karaniwan nang nagtatago o nagpapalamig ang mga ito, kasabay ng pagkita ng pera, bago magbabalik sa Mindanao.

“They know that we are tightly guarding Luzon, especially Metro Manila,” sabi ni Albayalde. “They also know that we have good relationship with Moslem communities here. We have good support from Moslem communities especially here in Metro Manila.”

-AARON B. RECUENCO