Hinimok ni Senator Grace Poe ang mga transportation official na pag-isipang mabuti ang plano nitong itaas ang pasahe sa Light Rail Transit (LRT)-Line 1.

Umapela kahapon si Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa Department of Transportation (DOTr) at sa Light Rail Transit Authority (LRTA) Board na suspendihin, o ipatupad nang paunti-unti ang pagtataas sa pasahe sa LRT-1, sa gitna na rin ng pagtataas ng mga presyo ng bilihin dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“While the concession agreement provides for a CPI-based (consumer price index) fare adjustment, the DOTr and the LRT board may also consider further delaying or instead effecting a staggered implementation of any fare hike to soften the impact on poor commuters who have been hit by the adverse effect of the TRAIN law to their shallow pockets,” saad sa pahayag ni Poe.

Inihayag nitong Martes ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pribadong operator ng LRT-1, na magpapatupad ito ng P5-P7 dagdag-pasahe simula sa Agosto 1 ng taong ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pahayag naman ng Malacañang, sinabi nitong makikipag-ugnayan muna ito kay DOTr Secretary Arthur Tugade upang magagawan pa ng paraang maipagpaliban ang taas-pasahe sa LRT.

“Makikipag-ugnayan po ang Palasyo kay Secretary Tugade dito tungkol sa issue ng mas mataas na pamasahe sa LRT,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque. “Titingnan po kung magagawan ng paraan. Pero kung talagang hindi po makakayanan na ipagpaliban ang pagtataas ng pamasahe, ay tataas at tataas po ‘yan.”

-Vanne Elaine P. Terrazola at Argyll Cyrus B. Geducos