Simula sa Hunyo 1 ay pansamantalang isasara ng Philippine General Hospital (PGH) ang emergency room (ER) nito upang bigyang-daan ang pagsasailalim nito sa renovation.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, walang ibinigay na eksaktong panahon, ngunit posible aniyang abutin ng mula apat na buwan hanggang isang taon ang gagawing renovation.
Kahit naman sarado ang ER, ang mga pasyenteng isusugod sa PGH ay tatanggapin pa rin sa itatayong makeshift ER sa Ward 14.
Dahil limitado lamang, aniya, ang kapasidad nito, ang maaari lamang nilang tanggapin ay ang mga pasyenteng tunay na emergency ang sitwasyon at nangangailangan ng agarang lunas, tulad ng mga dumanas ng trauma, heart attack, at stroke.
Tiniyak naman ni Del Rosario na hahanap sila ng ibang paraan upang ma-absorb ang mga emergency patient.
-Mary Ann Santiago