HINDI pa ba obvious na karamihan sa mga driver sa lansangan ay kulang sa sapat na kaalaman sa ligtas na pagmamaheno?

Ilang beses na nakapanood si Boy Commute ng mga interview ng iba’t ibang driver sa TV, kung saan tinanong ang mga ito hinggil sa mga road sign na kanilang nakikita sa kalsada.

Ilang halimbawa ay ‘slippery when wet,’ ‘no blowing of horn,’ ‘hospital zone,’ ‘yield,’ at iba pa.

Hindi alam ni Boy Commute kung matatawa o maaawa sa mga kamote driver na ito.

Ito lang ay nagpapatunay na maraming indibiduwal na nag-a-apply ng lisensiya sa Land Transportation Office (LTO) ang nakapapasa bagamat kulang pa rin ang kanilang kaalaman sa road safety.

Kaya’t huwag na kayong magulat kung bakit araw-araw ay may namamatay sa aksidente sa kalsada.

Subalit hindi pa rin huli ang lahat.

Nang makausap ni Boy Commute si LTO chief Edgar Galvante, ibinunyag nito na puntirya ngayon ng kanilang ahensiya na bumalangkas ng pamantayan para sa mga driving school sa bansa upang maging maayos at propesyunal ang pagtuturo sa mga student driver.

Hiniling umano kasi ng mga driving academy na sila’y mabigyan ng akreditasyon ng LTO upang mas mabilis ang pag-iisyu ng lisensiya.

Ano kayo? Hilo?

Ngayong wala pa ngang LTO accreditation ang mga driving school ay mabilis pa rin ang pagbibigay ng lisensiya sa mga aplikante.

Sa kabila nito, nais ni Galvante na higpitan ang pagbibigay ng driver’s license, lalo na kung hindi dumaan sa formal driving course.

Sa mga susunod na panahon, hindi na aniya uubra na ang kaalaman sa pagmamaneho ng sasakyan ay bunga lamang ng self-learning o natuto ng sarili.

Nais na rin ng LTO na tuldukan ang nakasanayang pagtuturo ng mga magulang, kapatid o kaibigan sa mga student driver.

Aniya, dapat nakasailalim sa basic driving course ang mahahalagang paksa tulad ng road safety, traffic rules and regulations at pati na rin ang basic trouble shooting.

Ginawang halimbawa ni Galvante ang proseso ng pag-iisyu ng driver’s license sa ibang bansa kung saan step-by-step ang daraanan ng aplikante.

Isinusulong din ng LTO chief ang paghihigpit sa pagbibigay ng professional driver’s license sa mga aplikante na ilang buwan pa lang nagmamaneho gamit ang non-professional license.

Dapat, aniya, na taon ang bibilangin bago sila mapagkalooban ng professional driver’s license upang matiyak na malawak na ang kanilang karanasan at kaalaman sa pagmamaneho.

O ngayon, ano’ng palagay n’yo? Titino na ba ang pagmamaneho ng mga ‘kamote driver’ sa bansa?

-Aris Ilagan