SA pagsisimula noon ng 2017, ilang buwan pa lamang ang nakararaan simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang opisina, agad niyang binigyan ng anim na buwang palugit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang ubusin ang Abu Sayyaf. Ang kilalang grupo ng mga rebelde na dumukot sa Aleman na may-ari ng isang yate matapos patayin ang asawa nito sa katubigan ng Sulu at ngayon ay humingi ng salapi kapalit ng buhay ng bihag. Noon namang 2015, dinukot ng Abu Sayyaf ang tatlong dayuhan at isang Pinay sa golpo ng Davao, na kalaunan ay pinatay rin ang dalawa sa mga dayuhan na kapwa taga-Canada. Noon din ay inihayag ng grupo na hawak nito ang nasa 20 bihag na iba-iba ang nasyonalidad, at humihingi ng kapalit na salapi para sa buhay ng mga dayuhan.
Ang palugit ng Pangulo ay matatapos sana noong Hunyo 30, 2017, ngunit ang kampanya ng AFP ay inabot ng pagkubkob sa lungsod ng Marawi, noong Mayo 23. Nang araw na iyon, nilusob ng pwersa ng grupo ng Maute, na suportado ng Islamic State of Iraq and Syria, ang sentro ng syudad para sa isang digmaan na tumagal ng halos limang buwan na naglagay sa buong Mindanao sa ilalim ng batas militar.
Kamakailan, muling naging laman ng balita ang Abu Sayyaf. Matapos dukutin ng rebeldeng grupo ang dalawang babaeng pulis sa Patikul, Sulu noong Abril 29, at iniulat na pinalaya na sa Talipao, Sulu. Nagbayad ang pamilya ng mga bihag ng P2.5 milyong para matubos ang dalawang pulis, mas mababa sa orihinal na hinihingi ng grupo na P5 milyon, ayon sa isang impormante, matapos ang pakikipagnegosasyon ng pinuno ng Moro National Liberation Front.
Binigyang muli ng palugit ang puwersa ng pamahalaan sa Sulu upang sugpuin ang Abu Sayyaf—Disyembre ng taon ito, pitong buwan mula ngayon. Sinabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, komander ng Joint Task Force Sulu na ang palugit ay inilabas ng bagong chief of staff ng AFP nasi Gen. Carlito Galvez sa isang kumperensiya sa Zamboanga nitong Miyekules.
Sampung batalyon ng militar ang ipinadala na sa Sulu at ang dagdag na batalyon ay manggagaling naman sa Marawi. Sisimulan ng militar, kasama ng pangkat ng Philippine National Police (PNP), na pinamumunuan ngayon ng bagong pinuno, Director General Oscar Albayalde, ang pagpapatupad ng bagong kampanya na ubusin ang Abu Sayyaf.
Matagal nang problema ng pamahalaan ang bahagi ng Mindanao, dahil sa dalawang pangunahing grupo—ang Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF)— na sinusuportahan ng marami. Sinimulan nang ayusin ng administrasyong Duterte ang napakatagal nang problema sa mga rebelde sa pamamagitan ng panukalang Bangsamoro Autonomous Region.
Sa kabila nito, marami pa rin ang naglipanang maliliit na grupo ang nagpaparami sa Mindanao. At ang Abu Sayyaf ang pinakakilala sa mga ito, na tila talento na ang pagdukot kapalit ng salapi. Ang paunang pagsisikap ng administrasyong Duterte na ubusin ang Abu Sayyaf noong 2017 ay nahadlangan ng rebelyon sa Marawi ng grupong Maute.
Ngunit ngayon, sa pamamagitan ng mga operasyon at ng mga bagong pinuno ng AFP at PNP, hangad nating tuluyan nang masugpo ang mga grupong ito na nakatawag na ng pansin sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa pagdukot ng mga dayuhan, at maisakatuparan na sa wakas ang utos ni Pangulong Duterte na tuluyan nang malipon ang mga ito.