Ang pananaliksik sa marine sediments sa Philippine Rise ay maaaring magbunga ng pagkakatuklas sa mga bagong droga, bagong antibiotics, bagong anti-cancer compounds, anti-dengue, at anti-malaria ayon sa marine scientist ng Department of Science and Technology National Research Council of the Philippines (DoST-NRCP).

Kabilang si DoST Balik Scientist Dr. Doralyn Dalisay mula sa University of San Agustin, Iloilo sa contingent ng PH Rise. Mananaliksik siya sa marine sediments para sa NRCP-funded project na pinamagatang “Marine Sediment-Derived Actinobacteria: New Vista for Natural Products Discover in the Philippines,” sa loob ng tatlong taon.

“We could find something new here that we could exploit for drug discovery,” diin niya.

Nakadiskubre na ang marine scientist ng anti-microbial actinobacteria mula sa marine sediments sa mga isla ng Cebu, Bohol, Negros Occidental, at Panay na mahalaga sa pagtutuklas sa bagong antibiotics.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Samantala, sinabi ni Dr. Gil Jacinto na kumakatawan sa University of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI), na bukod sa mayamang marine biodiversity, nakikita rin ang kahalagahan ng PH Rise sa fisheries, oceanography, at meteorology. Umaasa si Jacinto sa patuloy na suporta ng gobyerno sa kanilang research activities.

“Research will not only be done in two years but decades for the future generation,” dagdag ni Jacinto, NRCP Member sa ilalim ng Division V Biological Sciences.

May 50 marine scientists at researchers mula sa government agencies at universities na makikibahagi sa marine scientific research (MSR) initiatives sa 50,000 ektarya ng PH Rise na isinailalim sa Strict Protection Zone ng gobyerno para lamang sa mga Pilipino. Mahigit 300,000 ektarya naman nito ang itinalagang Special Fisheries Management Area.

Bahagi ng contingent ang Department of Science and Technology (DoST) sa pamamagitan ng mga council nito – ang National Research Council of the Philippines (DoST-NRCP) at Philippine Council for Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (DOST-PCAARRD).

Ang iba pa ay nagmula sa University of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI), UP-Los Baños, UP-Miag-ao, Mindanao State University (MSU), Tawi-Tawi, Ateneo, DLSU, at UST.

Taong 2012 nang igawad ng United Nations (UN) ang noo’y Benham Rise sa Pilipinas bilang extension ng continental shelf nito. Sa desisyong ito, ipinagkakaloob sa bansa ang “sovereign rights” sa Benham Rise, na nangangahulugan na ang Pilipinas ang may eksklusibong karapatan para galugarin at pakinabangan ang mga likas na yaman nito.

Noong Mayo 16, 2017 nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 25 na nagpapalit ng pangalan ng Benham Rise sa Philippine Rise.

-DHEL NAZARIO