Mula sa National Bureau of Investigation (NBI), inilipat na kahapon sa Manila City Jail (MCJ) ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na kinasuhan sa pagpatay sa freshman law student ng University of Santo Tomas (UST) na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III noong nakaraang taon.
“Aegis Juris fraternity members will be transferred to Manila City Jail this afternoon in compliance with the Commitment Order of the Court,” sinabi kahapon ni NBI Information Chief Nicanor Suarez.
Ayon sa NBI, kapag natapos na ang documentation at ang clearance ng 10 akusado ay kaagad nilang ililipat sa MCJ ang mga ito.
Ito ay bilang pagtalima sa commitment order na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20 nitong Martes, na kailangang maipatupad sa loob ng 48 oras.
Iniutos ni Manila RTC Branch 20 Judge Marivic Balisi-Umali ang paglilipat sa MCJ kina Mhin Weig Chan, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Marcelino Bagtang Jr., Arvin Balag, Ralph Trangia, Axel Munro Hipe, Oliver Onofre, Joshua Joriel Macabali, at Hans Matthew Rodrigo.
Ito ay makaraang ibasura ni Umali ang apela ng mga akusado na manatili sila sa kustodiya ng NBI dahil sa pangamba sa kanilang seguridad.
Marso 23 nang sumuko sa NBI ang 10 suspek makaraang lumabas ang arrest warrants laban sa kanila.
-Beth Camia